Skip to main content

Adik na jobless gustong ibugaw ang ka-live-in na buntis

May 26, 2015

ISANG lalaki ang inireklamo ng kanyang kinakasama at ng kanilang kumpare dahil umano sa pambubugaw at pananakit nito sa karelasyon.

Dumulog sa himpilan ng pulisya ang biktimang kinilala lang sa pangalang alyas Mayette, 26 anyos, walang hanapbuhay at may tatlong anak bukod pa sa kanyang ipinagbubuntis, at taga-Pangarap Village, Caloocan City, upang ireklamo ang ka-live-in na si John Paul Asuncion, 32-anyos at walang trabaho.

Kasamang nagreklamo ng babae ang kumpareng si Bernardo Hanojoy, 31 anyos, binata, at may hanapbuhay.

Sa salaysay ni Mayette, nag-iinuman ang magkumpare nang mangutang si Asuncion ng P500 para sa panggastos nila sa bahay. Sinabi naman ni Hanojoy na wala itong pera.

Hndi naniwala ang suspek dahil kaya nga raw nagpapainom si Hanojoy ay dahil may pera ito. Tumawad pa si Asuncion na kahit kalahati na lang ang ipautang sa kanya ng kumpare.

Nagulat pa si Hanojoy nang sabihin ni Asuncion na ipahihiram nito si Mayette sa kumpare basta pautangin lang ito.

Kinausap ni Asuncion si Mayette at sinabing pumayag itong sumiping sa kanilang kumpare kahit isang gabi lang. Nagalit ang babae sa karelasyon at sinabing sukdulan na ang kasamaan nito dahil magkapera lang para ipandroga, pati siya ay gustong ibenta.

Nagalit si Asuncion at ginulpi si Mayette. Agad namang umawat ang na-shock na si Hanojoy sa naging takbo ng mga pangyayari, at sinamahan ang kumare para magsumbong sa mga awtoridad.

Ayon kay Hanojoy ay matagal na niyang kapitbahay ang suspek at magkababata sila at magkaibigan. “Ninong ako ng lahat nang mga anak nila. Pero ngayon ko lang siya nakausap nang ganyan. Parang ibang-iba na siya. Noong ibinubugaw na niya sa akin ang asawa niya, nagulat ako, hindi talaga ako makapaniwala. Kung makasuntok siya sa asawa niya parang hindi tao ang sinusuntok niya lalo at buntis pa.”

Nadakip ng mga awtoridad si Asuncion at nakakulong ngayon sa Caloocan City Police. Sinampahan din siya ng kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.

EDITOR’S TAKE:

“Drug addiction is evil. Stay away from drugs.”