Skip to main content

Alden at Yaya Dub nagkita na pala five years ago

September 1, 2015

NAGSALITA na si Alden Richards tungkol sa kumalat na larawan nila ni Maine Mendoza na kuha sa isang event ng Candy Magazine noong 2010.

Ayon kay Alden, maging siya ay nagulat sa kumalat na larawan nila ni Maine, lalo pa't hindi pa talaga sila nagkakaroon ng pagkakataong personal na magkita.

“Just to clarify things talaga with everyone, hindi scripted ‘yung hindi namin pagkikita. Talagang we’ve never met each other. We’re not texting, we’re not calling each other. And ‘yung sagutan lang namin sa social media is pakiramdaman lang," pahayag ni Alden.

Sa lumang larawan nila ni Maine, makikitang minsan nang nagkrus ang kanilang landas limang taon na ang nakararaan.

“Yes, doon ako nagulat!” pahayag ng Kapuso heartthrob ukol dito.

Sumikat ang love team nina Alden at Yaya Dub, o mas kilala bilang AlDub, sa KalyeSerye ng Eat Bulaga sa GMA Network.

At dahil tanging sa split screen lang sila nagkikita at nakakapagpalitan ng mensahe, ang unang pagtatagpo ng AlDub ang isa sa pinakahihintay ng sumusubaybay sa naturang KalyeSerye.  

Kinumpirma ni Alden na dumalo siya sa Candy Fair bilang bahagi ng napiling Candy Cuties ng Candy Magazine noong 2010.

Ngunit noong panahong iyon ay gamit pa niya ang kanyang tunay na pangalang Richard Faulkerson Jr. at hindi pa pormal na sumasabak sa showbiz.

Kuwento pa ni Alden tungkol dito, “I’ve been part of that Candy Fair five years ago, that was in 2010. And at that moment, hindi ko pa po alam na mag-aartista ako. May mangilan-ngilan pong nagpa-picture, pero I really didn’t remember. So, nagulat ako na may ganoon palang photo.”

Makalipas ang limang taon ay muling nagkrus ang landas nila upang bumuo ng itinuturing na pinakasikat na tambalan ngayon sa Pilipinas.

EDITOR’S TAKE:

Ang unofficial first meeting nila five years ago ay isa lamang ito sa mga elemento ng kilig na lalong nagpapataas ng interes ng publiko sa AlDub love team. Nakakatulong naman ang mga photo archives ng mga publishing companies para makahalukay ng mga ganitong pangyayari.