Skip to main content

'Andres De Saya' nakantiyawan, nanaksak

October 12, 2015

PATAY ang isang binata nang saksakin sa leeg matapos kantiyawan na “Andres De Saya” ang kainumang security guard. Bago ang insidente ay pinuntahan at sinundo ng kanyang misis sa kanilang inuman kaninang madaling-araw ang suspek sa Tondo, Maynila.

Hindi na umabot ng buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Reymalon Azuelo, 23, binata, taga-225 Gate 10 Area B, Parola Compound, Tondo.

Tinutugis naman ng Delpan Police Community Precint ang tumakas na suspek na si Patrick de la Paz, 25 anyos, security guard, ng nabanggit din na lugar.

Sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-homicide section, naganap ang insidente alas 2:30 ng madaling-araw sa nabanggit na lugar.

Nalaman na nagtungo ang biktima sa grupo ng suspek at napatagay sa inuman.

Dumating umano ang asawa ng suspek at pinauuwi na ito.

Dito na kinantiyawan ng biktima na ‘under’ o Andres De Saya ang suspek na ikinairita naman ng huli kaya binunot ang patalim sa beywang at saka sinaksak sa leeg ang biktima sabay takas.

EDITOR’S TAKE:

Ipahiya mo na ang isang lalaki sa ibang bagay, huwag lang ang pagiging takot sa misis.