Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 73)

Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA

(Ika-73 labas)

DAHIL hindi na papapasukin sa dorm at late na sa pag-uwi, nagpahiging si Sandra na puwede silang sa hotel matulog. Naalala ni Jason ang motel na pinagdalhan sa kanya ni Delia sa may Sta. Mesa, Manila.

“Mahal pag sa hotel,” aniya rito. “Kung motel, mas mura.”

“Magkaiba ba ‘yun?” inosenteng tanong nito sa kanya.

“Oo. Pag hotel, kumpleto ang accommodation mula pagkain hanggang sa pagtulog. Sa motel, tulog lang. Bahala ka na sa pagkain mo, pero puwede kang umorder sa kanila or magdala na lang.”

Itinuro ni Sandra ang isang bukas pa na convenience store. “Bili tayo roon, baunin natin para mas matipid.”

Sa sagot nito at suggestion, na-realize ni Jason na determinado ang syota na matulog sila sa motel.

At nagsimula siyang gitian ng pawis sa likod.

Nagpalipas pa sila ng ilang minuto para tuluyang humupa ang baha. Takot kasi siyang basta lumusong dahil sa leptospirosis. May kapitbahay sila sa Angono na iyon ang ikinamatay, kaya mula noon ay nagka-phobia siya sa baha.

Nang okey na ang sitwasyon ay pumasok sila sa convenience store at umorder ng hotdog sandwich para sa kanilang dalawa at fried chicken with rice. Bumili rin sila ng bottled water, soft drinks in can, instant coffee na may sariling cup, sitsirya at chewing gum.

Saglit pa, sakay na sila ng taxi papunta sa motel.

Magkayakap sila sa bandang likuran. Sabi ni Sandra ay ginaw na ginaw ito. May katandaan na ang taxi driver na hindi naman tumitingin sa kanila. Marahil ay trained ang mga taxi driver na huwag tumingin nang may malisya sa mga pasahero lalo na kung motel ang destinasyon. O baka talagang all-business at pokus ang matanda sa pagmamaneho at baka madisgrasya sila lalo pa’t madilim at may mga bahagi ng kalyeng dinaraanan nila na medyo mataas pa rin ang tubig.

Masuyo ang pagkakayakap niya kay Sandra. Awang-awa siya rito dahil nagti-chill. Sabagay, sabi nito ay mahina ito sa lamig at mas gusto ang medyo maalinsangan na klima. Sa dorm nga raw ay ni hindi ito gumagamit ng electric fan.

Sa wakas ay nakarating sila sa motel. Ilang taon na rin mula nang makarating siya roon kasama si Delia at nag-flashback sa kanya ang mga nangyari sa kanilang dalawa noon. Lihim niyang naidasal na sana naman ay huwag sa kuwarto kung saan sila nag-sex ni Delia sila mapa-book ni Sandra.

Nakahinga siya nang maluwag ng sa ibang bahagi ng motel sila inihatid ng room boy.

Pagkabukas nito ng kuwarto at maipakita ang kabuuan ay nagtanong ito. “Oorder po ba kayo ng pagkain?”

“Hindi na,” sagot niya. “May baon kami.”

Iniwan na sila ng room boy.

Isinara na niya ang kuwarto.

Wala silang kibuan. Tahimik niyang inayos ang mga baon nila sa mesang plastic. Kinuha niya ang isang tuwalya na maingat na nakatupi sa ibabaw ng kama at iniabot iyon kay Sandra.

“Magbalabal ka nito para di ka ginawin.” Pinatay na rin niya ang air-con dahil malamig naman ang panahon.

Naupo si Sandra sa kama. Ibinalabal ang tuwalya sa katawan.

“Saan ka mahihiga?” tanong nito sa kanya.

For a while ay medyo napanganga siya. Saka naman niya nakolekta ang sarili at naisip na girlfriend nga pala ang kasama niya at hindi kakangkangan lang. Hindi pa sila puwedeng magtabi. Ang salitang sex ay hindi pa nila nata-touch. Kahit insinuation kapag nagbibiruan sila ay hindi iyon nababanggit. Ang relasyon nila ay patungo sa simbahan, sa pagbuo ng masaya at magandang pamilya.

“Sa sahig siyempre ako,” aniyang nakangiti.

“Baka man sipunin ka,” anitong halata ang concern. “Malamig ang semento ba,” sabi pa nito.

Natuwa siya sa narinig. “Don’t worry, sanay ako sa malamig at matigas na higaan. Noong bata pa ako, sa kawayang papag lang ako nahihiga.”

Totoo iyon. Nasanay siya sa ganoong paraan ng pagtulog dahil dati ay yari sa kawayan ang kanilang sahig sa bahay at kama. Nagkaroon na rin lang sila ng malalambot na higaan nang magkatrabaho na ang kanyang mga kapatid at nakapagpupundar na ng para sa kanilang konting comfort.

“Sure ka?” tanong ni Sandra.

Nag-thumb’s up siya rito. “Gusto mo nang kumain?”

Tumango si Sandra. “Naggo-growl na nga ang tiyan ko,” hinimas nito ang tiyan. “Baka magutom na ang baby ko.”

Tumawa siya nang malakas. “Wala pang nangyayari sa atin may baby ka na sa tiyan?”

Ngumiti lang ito at tumulong sa kanya sa paghahanda ng kanilang pagkain.

Magana ang pagkain ni Sandra. Sa kabila ng pagiging balingkinitan nito ay naobserbahan niyang malakas itong kumain. Una nitong naubos ang fried chicken and rice, sumunod ay binanatan naman ang hotdog sandwich. Siya naman ay fried chicken and rice lang ang kinain. Hindi na niya gagalawin ang sandwich at baka mamaya ay magutom si Sandra, para may mauutay pa ito sakali mang kumalam ang tiyan.

Nagkape sila matapos kumain. Nanood din ng balita sa TV kung saan ay ipinapakita ang mga bahagi ng Metro Manila na binaha.

“Grabe man!” nanghihilakbot na sabi ni Sandra. “Walang ganyan sa aming province.”

“Marami na kasing basura saka squatter,” sabi niya. Totoo naman iyon, dalawang malalaking factor iyon sa pagbaha. Kung walang disiplina ang tao at kahit sa mga ilog at daluyang tubig ay maninirahan at magtatapon ng basura, sigurado ang pagbaha. Gayundin kung walang habas na kakalbuhin ang mga kabundukan.

“Gusto kong maligo,” ani Sandra.

“Sige...” aniya at tumayo para tingnan kung maayos ang tubig sa CR. Nakita niyang may sabon, shampoo, toothpaste at disposable toothbrush. Nang bumalik siya para sabihan itong okey na ang banyo, nagulat siya sa nakita.

Naghuhubad na si Sandra ng uniform...

 

SUBAYBAYAN!