Skip to main content

Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 75)

Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA

(Ika-75 labas)

SINABI ni Jason kay Sandra na tiyak na matutuwa ang nanay niya kapag ipinakilala niya ito na kanyang nobya. Malungkot na ngumiti ang dalaga.

Napansin niya iyon. “O, ba’t lumungkot ka? Ayaw mo bang makilala ang iyong future biyenan? Mabait ‘yun.”

Hindi kumibo si Sandra. Kapagkuwa’y yumakap sa kanya at hinalikan siya sa pisngi. “Talagang plano mo akong pakasalan, ha?”

Hinalikan niya ito sa noo. “Oo naman. Sabi nga ni Big Brother... sa takdang panahon.”

Nanood muna silang muli ng TV at kung anu-ano ang pumapasok na kuwentuhan in between. Maya-maya, nag-inat at naghikab na si Sandra.

“Antok na ako,” anito at humilig sa kanya. “May pasok pa tayo bukas. Mag-uumaga na,” tumingin ito sa relo.

“Sige, tulog na tayo...”

Hinalikan muli niya ito sa noo. “Good night.”

“Sweet dreams,” sagot nito.

Bumaba siya sa kama. Inilatag niya sa sahig ang isang kumot. Tiningnan niya ito. “Gusto mo ba ng may ilaw o wala?”

“May ilaw na lang,” anito. “Baka may momo rito.”

Nahiga na siya matapos muli niya itong sabihan ng good night.

Antukin pa siya noon. Ang alam niya’y madali siyang nakatulog. Nanaginip pa nga siya ng isang sexy star. Kaya naalimpungatan siya nang maramdaman niyang tinatapik siya ni Sandra. Napabalikwas tuloy siya.

“Bakit?” tanong niya rito.

“Hindi ako makatulog. Namamahay yata ako.” Naupo ito sa gilid ng kama.

Tiningnan niya ang oras sa kanyang cellphone. Halos mahigit kalahating oras na pala siyang nakatulog. Naalala niya ang nai-save niyang hotdog sandwich.

“Nagugutom ka ba?” tanong niya rito.

Umiling ito. Kukuya-kuyakoy sa gilid ng kama. Bumangon siya at naupo sa tabi nito.

“Gusto mong manood ng TV?” alok niya rito. “Madali raw makatulog pag may sound ng TV sabi sa article sa magazine na nabasa ko.”

Muli itong umiling.

Hinawakan niya ang mukha nito at iniharap niya sa kanya. Nagkatitigan sila.

Halata nang puyat si Sandra at lalo itong gumanda sa paningin niya. Ang inaantok nitong mata ay lalong nagdagdag ng charm na taglay nito. Parang bata naman ito na kunwa’y nanlambot habang hawak niya ang mga pisngi.

“Mahal na prinsesa,” biro niya rito. “Paano ka mapapatulog ni Enteng Kabisote?”

Natawa ito. Pagkuwa’y ibinagsak ang likod sa kama.

Ginaya niya ang ginawa nito. Ibinagsak din niya ang likod sa kama. Sabay pa silang napalingon sa isa’t isa. Nagkatitigan.

“Dito ka na lang matulog sa tabi ko,” ani Sandra. “Baka mas makakatulog ako.”

Hinagilap niya ang cellphone at nag-set ng alarm. Baka kasi mapasarap siya ng tulog, maige nang may panggising sa kanila.

Umayos naman ng higa si Sandra. Nang mai-set niya ang alarm ay binuhay niya ang TV para makatulog sila. Hindi kailangang magtipid sa kuryente tutal ay nasa motel naman sila.

Nakatagilid si Sandra sa paghiga, nakatalikod sa kanya. Nanood naman siya ng pelikula sa cable. Walang kakibu-kibo ang dalaga makalipas ang ilang minuto kaya akala niya ay nakatulog na ito.

Sinilip niya ito. Hindi niya malaman kung tulog na ba o hindi pa kaya mas inilapit niya ang mukha sa mukha nito. Bigla itong nagmulat ng mga mata at humagikhik.

“Ano’ng sinisilip mo?” pinisil nito ang ilong niya.

“Akala ko tulog ka na...”

“Hindi yata talaga ako makakatulog,” tumihaya ito. “Patay man ako nito bukas, baka sa classroom ako makatulog.”

“Inom ka na lang ng energy drink bago ka pumasok,” mungkahi niya.

Nagbalik siya sa paghiga. Pareho silang nasa TV ang mga mata. Maya-maya ay tumagilid paharap sa kanya si Sandra. Ang isang kamay ay iniyakap sa kanya.

“Mahal mo ba talaga ako, Jason?” out of the blue ay tanong nito sa kanya.

Binitawan niya ang remote ng TV at tumagilid din siya paharap dito.

“Oo. Mahal kita...”

“Gaano mo ako kamahal?”

“May pangarap na tayo, di ba? Tutuparin natin ‘yon. ‘Yung pagtupad sa usapan natin, ganoon kita kamahal.”

Muli niyang nakita ang malungkot na ngiti sa mukha nito. Pinisil ang kanyang ilong.

“Ano pa?” tanong nito sa kanya.

Inilapit niya ang mukha sa mukha nito. “Mahal kita. At gusto ko na dumating ‘yung time na ikaw ang huling makikita ko sa gabi bago ako matulog, at ikaw rin ‘yung una ko namang makikita paggising ko sa umaga.”

Ang tamis ng naging ngiti ni Sandra. At kapagkuwa’y napaiyak ito.

“Bakit?” tanong niya at pinahid ang luha sa mga mata nito.

“Wala lang. Masyado lang akong na-touch sa sinabi nimo.” Idinikit nito ang mukha sa kanyang dibdib. Pinahid ng kumot ang luha.

Itinunghay niya ito. Hinawakan niya sa baba at pilit pinagtama ang kanilang mga mata.

Siya naman ang nagtanong dito. “Ikaw... mahal mo ba ako talaga?”

“Oo...”

“Talaga? Mahal na mahal mo ako?”

“Oo...”

“Gaano mo ako kamahal?”

Yumakap sa kanya si Sandra. Hinalikan siya sa labi. Pagkuwa’y tinitigan siya. “Kaya kong ibigay sa ‘yo ang lahat, Jason...”

Napalunok siya sa narinig dito.

Mas inilapit sa kanya ni Sandra ang mukha at bumulong. “Anytime kaya kong ibigay ang lahat. All of me. That’s how much I love you, Jason...”

Ang bilis ng naging kabog ng dibdib niya! Parang tambol iyon ng mga kasali sa Ati-atihan sa sobrang lakas. At kahit malamig ang air-con ay bigla siyang pinagpawisan.

Matagal silang nagkatitigan ni Sandra. Saglit pa, naglapat na ang kanilang mga labi.

Nanginginig si Sandra sa bawat hawak niya sa braso nito, ngunit ramdam niyang nananabik din ito sa mangyayari.

Hinagilap niya ang remote ng TV at pinatay iyon. Iniayos niya ang pagkakahiga ni Sandra at sinimulan niyang tanggalin ang mga butones ng pang-itaas nitong uniporme.

 

SUBAYBAYAN!