Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Ang Mga Talulot Sa Rosas Compound (Part 84)

Sinulat ni JOSE LUIS CASANOVA

(Ika-84 na labas)

NALAMAN nina Jason at Sandra mula sa balita sa TV na kanselado ang mga klase sa Kamaynilaan dahil sa matinding ulan at baha. Nagdesisyon silang mag-stay sa loob ng motel hanggang kinabukasan.

Lumabas si Jason ng room para magpunta sa cashier at sabihing extended sila. Maging ang lalaking cashier na naroon ay nanonood din ng balita. Mukhang mahilig ito sa mga kaganapan sa mundo, at nag-lecture pa sa kanya nang konti tungkol sa global warming.

In a way, naisip ni Jason na kahit naman sa kanila sa Angono ay ramdam nila ang pagbabago ng mundo. Minsan nga na nagtanim ang kanyang ama sa kanilang isang sakahan ng talong, nagbunga ang mga iyon ng malulusog at siyempre pa agad na may mga mamamakyaw na gustong bilhin at nag-place na ng order. Ngunit bago naani iyon ng kanyang ama ay hinagupit ni Milenyo. Nawasak ang mga talong, at batay sa karanasan ng kanyang ama bilang farmer, kahit may mga naisalba namang talong, hindi na rin naibenta sa tamang presyo.

Sa ilang pagkakataon ay sumablay rin ang ani ng kanyang ama sa iba pang pananim, kaya later on ay nag-shift ito ng negosyo at naging operator ng traysikel. Para kay Jason ay napaka-odd niyon dahil mula sa pagiging magtatanim ng halaman na naglilinis ng maruming hangin, naging kapitalista ang kanyang ama na ang mga sasakyan ay nakakadagdag sa level ng polusyon sa bansa.

Napabuntunghininga siya. Ang mundo ay puno ng maraming kabalintunaan.

Nagpaalam na siya sa cashier—na nagpahabol naman ng isang paalala. “Ang babata n’yo pa, practice safe sex.”

Hindi siya nag-react.

Pagbalik niya sa room ay may kausap naman si Sandra sa telepono. Hindi niya maunawaan ang pag-uusap dahil sa dialect ng mga ito. Nagsenyas sa kanya si Sandra na huwag siyang magsasalita. Hininaan naman niya ang TV para maging malinaw ang usapan ng mga ito.

Matagal ang naging pag-uusap, at nang sa palagay niya ay hindi pa matatapos ay nahiga muna siya sa kama habang nakatunghay sa mahina ang volume na TV. Nakasanayan niyang matulog nang bukas ang kanilang TV sa bahay at ang kanyang ama ang nagpapatay kaya sa pagkakataong iyon ay hinila siya ng antok—at nakatulog.

Isang katangian ni Jason, hindi siya gaya ng iba na namamahay diumano kapag nasa ibang lugar at hindi dalawin ng antok. Siya, basta nakasandal ang likod niya at nakadiretso ang mga paa ay walang problema.

Hindi rin isyu sa kanya ang pangangasilyas. Ibig sabihin, puwede siyang magbawas kahit saan basta may tubig at sabon na panghugas. May mga kakilala kasi siya na hindi raw mapadumi kapag nasa ibang bahay o lugar. Siya, basta nakaramdam ng tawag ng kalikasan at malinis ang palikuran, oramismo ay kaya niyang mag-may I go out.

Namana niya ang ugaling koboy sa kanyang ama. Madalas kasi nitong ikuwento—or rather ipayo—sa kanya na hindi kailangang maging maselan sa mga sitwasyon. Ang tao raw ang dapat mag-adjust sa kinakaharap na pagkakataon. Mas madali raw umasenso ang isang taong walang issues sa buhay—kahit sa mga pinaka-mundane na bagay. Kapag ang isang tao raw ay hindi nakakahon ang utak at maging ang mga gawi ng katawan, mas kinakatok ang mga oportunidad.

Kaya naman idol na idol niya ang ama. Maging ang mga pilyong tiyuhin niya ay malaki ang respeto rito. At sa kanilang angkan daw, ang kanyang ama ang pinakaguwapo—at nakapagtatakang hindi babaero.

Noong elementary pa lang siya ay idolo niya ito at gustong sundan ang mga yapak. Gusto niyang maging farmer—kaulayaw ng mga halaman at hayop. Kukuha sana siya ng agriculture bilang bahagi ng kanyang childhood dream. Ngunit ito na rin ang nagsabi sa kanyang masarap ang may farm kung mayaman ka na at hindi mo na kailangan masyado ang pera. Gagawin mo na lang hobby ang pagtatanim at pag-aalaga ng hayop. Walang pressure para kumita ng malaki. Makakapag-experiment ka sa iyong mga pananim, mapapaabot mo sa hustong gulang ang mga alagang hayop bago ipagbili.

Ngunit marahil ay sadyang magkaiba ang kapalaran nilang mag-ama. Isinilang ito sa panahon ng Beatles, sa cultural revolution kaya makasining ang pananaw sa buhay. Siya naman ay sa pagsulong ng modernong teknolohiya na naimpluwensyahan pa ng computer at information technology. Niyakap niya ang katotohanang wala ka nang maitatago sa Google. At ang dating pangarap na magbungkal ng lupa ay nawala na sa kanya. Sa halip, sa murang edad ay malulungkot na babaing mas maedad sa kanya ang nabubungkal niya.

Naalimpungatan siya nang maramdamang nahiga sa tabi niya si Sandra at yumakap. Ewan niya pero parang humihikbi ito. Ngunit ang salakay ng antok ay hindi na niya napigil at tuluyan na siyang nakatulog.

Nagising siyang hindi makahinga. Hindi niya alam kung bakit ngunit ayaw lumabas ng hangin sa kanyang ilong. Alam niyang hindi na siya nananaginip kaya nagmulat siya ng mga mata. Humahagikhik si Sandra nang tuluyan siyang magising. Pinipisil pala nito ang ilong niya. Hawak pa rin nito ang cellphone.

“Ang kulit mo,” aniya at ibinagsak muli ang ulo sa unan.

“Ang galing nimong gumawa ng tulog,” reaksyon nito. “Dili man ako makatulog nang maayos.”

“Anong oras na ba?” tanong niya rito.

Sumulyap ito sa screen ng cellphone at nagsenyas sa kanya ng tatlong daliri. Alas tres ng madaling araw at hindi ito makatulog?

“May insomnia ka ba?” tanong niya.

“Wala man.” Nahiga ito sa tabi niya.

Matagal silang nawalan ng kibuan. Napansin niyang sobrang tahimik ito. Nakapatong ang cellphone sa dibdib.

“Sino’ng kausap mo kanina?” ungkat niya.

“Si Mama...”

Naisip niyang napanood siguro ng ina nito sa balita ang baha sa kanilang unibersidad.

Niyakap niya ito. “Tulog na tayo...”

“Sige, tulog ka na...” matabang nitong tugon.

“Gusto mong patayin ko ang ilaw para makatulog ka?” mungkahi niya.

“Kahit ano. Bahala ka man...” matabang pa rin nitong sagot.

Bumangon siya at naupo sa kama. Tiningnan niya ito. “Something’s bothering you?”

Ngumiti ito kahit pilit. “Wala man. Sige na nga, switch off the light na at sleep na tayo.”

Tumayo siya at pinatay ang ilaw. Paghiga niya sa tabi ni Sandra ay niyakap siya nito nang mahigpit. Mahigpit na mahigpit.

 

SUBAYBAYAN!