Skip to main content

Ara Mina kinalasan na ng karelasyong pulitiko

NAGWAKAS na rin ang relasyon nina Ara Mina at ng pulitikong boyfriend niya na si Mayor Patrick Meneses. Ayon sa mga ulat na lumabas, mismong ang mayor ng Bulacan ang kumalas kay Ara.

Batay sa mga kolum ng mga entertainment writers ay sinabi ng mayor na walang third party sa kanilang hiwalayan. Nangako naman daw ang lalaki na hindi tatalikuran ang mga obligasyon sa kanilang naging anak na si Amanda Gabrielle—pero hindi na susuportahan ang aktres.

Last year pa maugong na napag-uusapan sa showbiz ang napipintong paghihiwalay ng dalawa ngunit bahagyang naudlot iyon nang magdalantao ang aktres.

Nitong March 22 ay pormal umanong nagpaalam si Mayor Patrick kay Ara sa isang restaurant sa Quezon City. Kinabukasan naman ay umalis na sa kanilang tinutuluyan ng aktres ang mayor at naghakot na ng mga gamit.

Wala rin umanong ibinigay na dahilan sa mga nakausap na taga-press ang mayor kung bakit sila naghiwalay ng aktres. Ayaw rin daw nitong magsalita ng negatibo laban kay Ara dahil ina ito ng kanyang anak.

Kamakailan ay pilit pang inililihim ni Ara ang sitwasyon pero umaming may mga pinagdaraanan sila ng karelasyon. Nagpalabas pa siya ng pahayag na natural lang sa nagmamahalan ang kanilang sitwasyon at umaasang magkakabalikan pa sila ng mayor.

EDITOR’S TAKE:

Nakalulungkot lang na kung kailan sila nagkaanak ay saka pa nagkahiwalay ang dalawa. Maganda ang layunin ng mayor na hindi talikuran ang obligasyon sa anak, pero isipin din natin na isang musmos na naman ito na lalaking walang magigisnang pamilyang buo.