Skip to main content

Away sa kalye ng magkarelasyon nauwi sa pamamaril

MAY 4, 2015

NASUGATAN sa kaliwang paa ang isang 38 anyos na babae matapos barilin ng kanyang se­losong ka-live in habang sila’y nagtatalo sa kalye noong umaga ng Mayo 3 sa Tondo, Manila.

Isinugod sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Ivy Lugtu, taga-1057 Masinop St., Tondo, Maynila matapos ang insidente. Agad namang tumakas ang kinakasama nitong si Abelardo Calilong, 50 at  residente ng 1057 Masinop St., Tondo, Manila.

Ayon kay SPO2 Amelito Dogma ng Manila Police District-Police Station 2, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng umaga ng nasabing petsa sa may panulukan ng Kagitingan at Sandico St. sa nabanggit na lugar.

Magkasama umano ang magka-live in nang magtalo dahil sa pagseselos ng lalaki sa kinakasama. Nagtalo ang dalawa at walang anu-ano ay bumunot ng baril si Calilong at binaril sa kaliwang paa si Lugtu. 

Tinutugis pa ng mga awtoridad si Calilong na posibleng maharap sa patung-patong na kaso.

EDITOR’S TAKE:

Isang paalala sa ating mga kababaihan—sa unang insidente pa lang ng pananakit ng inyong karelasyon dahil sa selos, mag-iisip-isip na kayo. Sabi nga ni Maya Angelou, “Jealousy in romance is like salt in food.  A little can enhance the savor, but too much can spoil the pleasure and, under certain circumstances, can be life-threatening.”