Skip to main content

Ayaw nang isoli ng ex-GF niya ang kanyang laptop

August 31, 2015

INFORMATION technology student si Rocky at nasa third year na siya. Girlfriend niya si Maan na first year naman at kumukuha ng two-year computer course.

Okey naman ang kanilang relasyon na hindi pa umaabot ng isang taon. Minsan ay hiniram ni Maan ang laptop ni Rocky dahil may project daw ito na kailangang tapusin. Ipinahiram naman niya at sinabing kukunin din agad niya dahil baka hanapin ng nanay niya.

Isang linggo na ang nakalipas pero hindi pa isinosoli ni Maan ang laptop kay Rocky. Hindi rin niya ito nakikita, at hindi rin nagre-reply sa tawag at text messages niya.

Pinuntahan niya ito sa bahay ng mga ito at nagkausap sila. Ayon dito ay nanakaw ang laptop niya kaya hindi ito makapagpakita sa kanya.

Na-shock si Rocky. Alam niyang nangutang pa ang nanay niya para mabilhan siya ng laptop. Siya naman ngayon ang namroblema.

Ang masaklap pa, nakipag-break sa kanya si Maan. Ang rason nito—naguguluhan daw ito sa buhay nito, at gusto munang makahinga sa napakaraming problema.

Ayaw man ni Rocky na mag-break sila ay wala siyang magawa.

Bilang mabait na anak ay sinabi niya sa ina ang nangyari sa laptop niya, at gaya nang inaasahan niya ay nakagalitan siya nito nang todo.

Matagal na silang hindi nagkikita ni Maan nang minsan ay makasabay niya ito sa jeep. Sa pagkagulat niya, dala-dala nito ang laptop niya na ayon dito ay nanakaw.

Nang tanungin niya kung bakit dala nito ang laptop, sabi nito ay kababawi lang daw sa nagnakaw—na pinsan nito na nakikitulog sa mga ito. Kukunin na sana niya pero sabi ni Maan ay may mga kokopyahin munang files. Kinabukasan, nang puntahan niya ito sa bahay ng mga ito, ayaw siyang harapin dahil masama raw ang pakiramdam.

Ilang beses siyang nagpabalik-balik pero maraming rason si Maan para hindi sila magkausap. Na-realize ni Rocky, mukhang ayaw ibalik sa kanya ng ex-GF ang kanyang laptop.

Naguguluhan si Rocky kung ano ang dapat gawin.

EDITOR’S TAKE:

May palagay tayo na hindi talaga nanakaw ang laptop ni Rocky, at may pakiramdam din tayo na ayaw lang talagang ibalik iyon sa kanya ni Maan.

Mukhang mas interesado ang dalaga sa laptop kaysa sa kanilang relasyon kaya nakipagkalas agad ito sa kanya matapos makaisip ng scheme nang mapasakamay ang laptop.

Sa patuloy na pag-iwas ni Maan ay malinaw na ayaw na nitong isoli ang laptop. Puwede niyang sabihin dito—at dapat niyang gawin kung sakali—na idudulog niya sa barangay ng mga ito ang isyu kung hindi nito iyon isosoli sa kanya. Bigyan agad niya ito ng ultimatum bago pa uli ito makaisip ng paraan na tuluyang maangkin ang kanyang laptop.