Skip to main content

Ayaw ng mommy niya sa GF niyang may kapatid na special child

August 4, 2015

DALAWANG buwan nang magkasintahan sina Leo at Tess nang magpasya ang binata na dalawin ang dalaga sa bahay ng mga ito. Okey naman ang pamilya ng kanyang GF at magiliw sa kanya ang parents nito at mga kapatid. May isa lang siyang natuklasan—may kapatid pala itong special child.

Kinabukasan nang magtanong ang kanyang ina tungkol sa pamilya ni Tess, sinabi ni Leo ang naging maayos na pakikiharap ng mga ito sa kanya. Binanggit din niya na may kapatid ito na special child.

Natigilan umano ang kanyang ina.

Sinabi niya sa kanyang ina na minsan ay isasama niya si Tess sa kanila para makilala nito. Nabigla si Leo sa isinagot nito. Ayon sa matanda, hangga’t maaari ay iwasan na niya si Tess dahil baka magkaroon din sila ng anak na gaya ng kapatid nito dahil namamana iyon. Nasa lahi raw ng kanyang nobya ang may depekto sa genes, at ayaw ng kanyang ina na magkaroon ito ng apo na special child sakaling magkatuluyan sila.

Ang laki bigla ng naging problema ni Leo dahil mahal na mahal niya si Tess.

EDITOR’S TAKE:

Nauunawaan natin ang pinanggagalingan ng takot ng ina ni Leo. Sa ating lipunan kasi ay stigma pa rin kapag sa pamilya ay may special child.

Pero walang kinalaman ang kapatid ni Tess para balewalain na lang niya ang relasyon dito at sundin ang kanyang ina.

Kung isa sa mga kapatid kaya ni Leo ang special child at walang magkagusto sa kanya dahil dito, okey lang kaya sa kanyang ina? Hindi ba at masasaktan din ito?

Ituloy lang dapat ni Leo ang relasyon kay Tess dahil silang dalawa ang nakapaloob sa relasyon at hindi ang mga bagay at opinyon mula sa kanilang mga kadugo. Hindi dapat katakutan ang isang bagay na posibilidad pa lang. Nasa tamang age na rin siya para magdesisyon para sa kanyang personal na buhay.