Skip to main content

Ayaw pahawakan ng mister niya ang phone nito sa kanya

November 24, 2015

TATLONG buwan nang kasal sina Marita at Ping. Ayon sa kanya ay napakasaya ng kanilang pagsasama dahil mahal na mahal niya ang naging mister.

Pero kamakailan daw ay naging secretive na si Ping. Ayaw nitong pahawakan ang cellphone kay Marita. Lagi rin daw itong nagde-delete ng search history sa laptop nito. At hindi niya maiwasan na magduda sa mister.

Minsan daw ay nahuli ni Marita na nanonood ng porn videos si Ping, kaya lalo siyang nagduda kung ano pa kaya ang bina-browse nito sa laptop.

Sinita raw niya ang mister pero nagkibit-balikat lang si Ping na parang wala lang.

Gustong malaman ni Marita, normal lang ba ang mga naoobserbahan niya sa mister?

EDITOR’S TAKE:

Itinatago ni Ping kay Marita ang panonood ng porn dahil nahihiya ito na baka hindi iyon magustuhan ng misis—o kung naging isyu na iyon sa pagitan nila dati pa.

Wala namang problema kung ang partner ay nanonood ng porn dahil purely visual thing lang iyon at hindi emotional.

Gayunpaman, sa ibang babae ay baka hindi okey na manood ng porn ang kanilang mister gaya ni Marita—kaya siguro pasikreto kung manood si Ping.

Sa halip na maging paranoid, dapat itanong ni Marita kay Ping kung nanonood lang ba ito ng porn sa phone at sa laptop dahil kinakabahan na siya na baka naman may ka-chat na itong ibang babae.

Kung anuman ang maging sagot ni Ping, pag-usapan nila nang maayos. Medyo awkward ito para sa kanilang dalawa pero mainam nang natatalakay ang mga ganitong isyu lalo pa at tatlong buwan pa lang silang kasal at hindi dapat agad na magkaroon sila ng mga problema.