Skip to main content

Dalaga 'ginutay' ng live-in partner

NAGKAGUTAY-GUTAY ang walang buhay na katawan ng isang 33 anyos na dalaga makaraang walang habas na pagtatagain ng live-in partner nito noong Linggo (April 26) ng madaling-araw sa Bgy. North Poblacion sa Gabaldon, ­Nueva Ecija.

Sa ulat na nakalap mula sa tanggapan ni P/Sr. Supt. Crizaldo O. Nieves, Nueva Ecija police director, ang biktima ay nakilalang si Rosemarie de Guzman Rirao, residente ng nasabing lugar. Nakilala naman ang salarin na si Rogelio Arces Malasarte, 29, magsasaka, tubong-Surigao del Sur, at kasalukuyang residente ng naturang barangay.

Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Ronan P. Garcia na dakong alas 5:30 ng umaga nang magkaroon ng pagtatalo ang magka-live-in na humantong sa nga sa pananaga ng suspek sa biktima.

Matapos mapatay ang biktima ay sinaktan din ng suspek ang sarili kaya nagkaroon din ito ng mga sugat.

Isinugod sa Gabaldon Medicare Center si Rirao subalit kaagad na idineklara ng doktor na wala na itong buhay.

Dinala naman ang salarin sa Dr. PJGMR Medical Center sa Cabanatuan City at kasalukuyang ­naka-confine doon.

Inaalam pa ng pulisya ang puno’t dulo ng karahasan habang inihahanda na rin ang mga kasong isasampa laban kay Malasarte.

EDITOR’S TAKE:

Nagiging parang ordinaryo na lang ang mga karahasang ginagawa ng mga lalaki sa mga kababaihan—misis man nila o karelasyon lang. Ang maliit na pagtatalo ay nauuwi sa karumal-dumal na krimen. Ang maipapayo na lang natin sa mga kababaihan, mag-ingat at huwag pabigla-bigla sa pagpili ng lalaking makakarelasyon.