Skip to main content

Ella Cruz pinag-aagawan nina Bret Jackson at AJ Muhlach

September 2, 2015

SI AJ Muhlach ang bagong leading man ni Ella Cruz sa Wattpad Presents “Bebeng Pabebe meets Super Jiro” na napapanood na sa TV5.

Matatandaang sa unang Wattpad Presents din nagkasama sina Ella at Bret Jackson na na-link noon kay Andi Eigenmann.

Pagkatapos na magsama sa Wattpad nina Ella at Bret ay nagkaroon ng tsika na tila nahulog daw ang loob ng actor sa young actress.

Sa mini-presscon ng Bebeng Pabebe meets Super Jiro ay hindi naman itinanggi ng dalaga na niregaluhan nga siya ng jewelry ng ex-boyfriend ni Andi. Pero nang tanungin si Ella kung may namamagitan na nga ba sa kanila ni Bret ay nakatawang sinabi niya na “dating” lang daw sila at wala pa raw relasyon.

Hindi nga niya masabi kung nanliligaw raw ba ito sa kanya kahit na lumalabas sila kasama ang kanilang barkada.

If ever na si Bret na raw ang makasungkit ng puso niya ay first time na magkakaroon siya ng boyfriend.

Pero pagdidiin ni Ella na hindi pa niya sineseryoso ang tawag ng pag-ibig. Bata pa siya at marami pa raw pangarap sa buhay.

Sa isyu naman na lalayasan na niya ang ABS-CBN dahil wala siyang ginagawang project ay wala raw iyong katotohanan.

Ang paglabas daw niya sa TV5 ay may pahintulot ng Star Magic kung saan siya nagsimula at nakakontrata.

Kahit na raw tapos na ang kontrata niya sa Star Magic at hindi pa nire-renew ay hindi siya aalis hangga’t hindi siya mismo pinaalis ng kanyang home studio. Nangako naman daw ang Star Magic na may gagawin siyang project pero habang wala pa ay pinapayagan siyang lumabas at tumanggap ng project sa TV5.

Hindi ikinaila ng ka-partner ni Ella na si AJ na hindi mahirap mahalin ang isang tulad nito na bukod sa malambing ay madaldal na may sense.

Nagpasalamat si AJ na younger brother ni Aga Muhlach sa pagbibigay sa kanya ng role na isang Superhero dahil matagal na raw niyang pangarap na makaganap ng role na may kapangyarihang makatulong sa kapwa.

Sa mga hindi nakakaalam, si AJ ang dating ka-love team ni Nadine Lustre nang ipakilala sila sa Bagets sa ilalim ng Viva Films.

EDITOR’S TAKE:

Biglang-bigla ang pamumukadkad ni Ella at dumarami ang suitors. Sana ay mapanindigan niya ang sinabing bata pa siya para sa paf-ibig. Sa nakikita natin sa kanya—lalo pa at may talent pala siya sa dancing—malayo pa ang kanyang mararating.