Skip to main content

'Emotional blackmailer' ang online boyfriend niya

July 2, 2015

NAGING online boyfriend ni Lucy, 18, ng Manila si Blad, 19, ng Zamboanga City. Kahit hindi sila nagkikita ay okey ang kanilang relasyon—noong una.

Lately kasi ay naging parang sounding board na lang si Lucy ng mga problema ni Blad. Dumating sa puntong iniiwasan na niya ang mga messages nito.

May pakiramdam daw si Blad ayon kay Lucy na lagi itong biktima ng mga sitwasyon. Pag sinabi naman daw niya na baka nagkakamali lang ito ng hinala, agad nagagalit sa kanya.

Pag magka-chat din daw sila ay kailangan pa niyang sabihin dito kung ano ang gagawin niya kung bakit kailangan niyang mag-log off—kung iihi ba siya, kakain o kung anuman.

Pag medyo nagtagal daw siyang mag-reply ay nagagalit din ito.

Minsan ay nagalit na raw siya nang todo kay Blad at sinabi niyang kung hindi nito babaguhin ang ugali na parang ang lahat nang bagay sa mundo ay mali para rito ay hindi na niya kakausapin. Ang sagot daw nito ay gusto na nitong mamatay—o kaya ay magpakamatay.

Hindi alam ni Lucy kung nagsisinungaling sa kanya si Blad para lang huwag niya itong kalasan. Pakiwari niya ay na-trap siya sa sitwasyon dahil magi-guilty siya kung iiwasan na niya ito at gawin nga nito ang banta na magsu-suicide.

Nasa kolehiyo na si Lucy at nai-stress at apektado ang pag-aaral niya dahil kay Blad.

EDITOR’S TAKE:
Tama ang kutob ni Lucy na kinokontrol siya ni Blad. Posibleng gumagawa ito ng mga pekeng kuwento para huwag niyang kalasan. Iyon ang tinatawag na emotional blackmail.

Magkalayo sila at hindi pa nagkikita. Sigurado ba siya na ang nasa profile ay ang totoong Blad? Totoo bang taga-Zambonga City ito? Maraming peke sa social media.

Ngayon pa lang ay iwasan na niya ang taong ito. Habang nagtatagal ang pakikipag-ugnayan niya rito ay lalong dumarami ang nalalaman nito sa kanya na posibleng magamit din nito laban sa kanya sa mga darating na araw.

I-block na niya si Blad, at bahala na ito sa gusto nitong gawin sa buhay. Maging aral din ito kay Lucy na dapat maging maingat sa pakikipagrelasyon lalo na sa social media. Ang bata-bata pa niya para sa ganitong mental and emotional torture.