Skip to main content

'Ginamit' lang siya ng kanyang girlfriend!

May 28, 2015

NANG unang makita ni Ronald ang girlfriend na si Rita ay love at first sight agad ang naramdaman niya rito. Limang taon na ang kanilang relasyon, at gusto nang makipaghiwalay nito sa kanya ngayon.

Ayon daw kay Rita ay sobrang magkaiba sila sa maraming bagay. Para naman kay Ronald, hindi totoo iyon bagaman at magkaiba ang kanilang family background. Anak-mayaman si Ronald, mahirap lang ang pamilya ni Rita.

Pakiramdam daw ni Ronald ay “nagamit” lang siya ng kanyang nobya.

Nang una raw silang magkita ay maraming problema si Rita sa buhay, at natulungan niya ito. Nang maging sila ay may pagkakataon na di sila nagkakaunawaan at may mga problemang sumusulpot sa kanilang relasyon pero naaayos naman.

Nitong mga huling araw ay iritable raw si Rita, at nang tanungin niya kung ano ang problema, ang naging sagot nga nito ay mag-break na sila.

Kaya raw ang pakiramdam ni Ronald ay nagamit lang siya ni Rita, nang magkakilala sila ay maganda na ang kanyang trabaho samantalang hirap na hirap sa buhay si Rita. Pinag-aral niya ito, nakatapos sa kolehiyo at nagkaroon din ng maayos na hanapbuhay.

Kamakailan ay natanggal sa trabaho si Ronald, nalugi ang kanilang family business at ngayon ay naghahanap pa lang siyang muli ng mapapasukan. Saka naman isiningit ni Rita ang plano na maghiwalay na sila.

Nakiusap daw siyang baka naman maaayos pa ang kanilang relasyon ngunit tila manhid na si Rita at matigas sa desisyon nito na kumalas na sa kanya. Naisip daw ni Ronald na ganoon na ang trato nito sa kanya dahil napakinabangan na siya nito. Masakit daw iyon para sa kanya dahil lagi namang kasama si Rita sa magagandang pangarap niya sa buhay.

EDITOR’S TAKE:

Sa bawat relasyon ay laging masakit ang paghihiwalay—lalo na kung ikaw ang iniwan.

Nauunawaan natin ang damdamin ni Ronald, pero hindi talaga naipipilit ang pagmamahal—kahit pa may pinagsamahan na.

Dapat ay hayaan na lang niya si Rita sa gusto nito at ayusin muli ni Ronald ang career niya. Tiyak namang makakakita pa siya ng bagong trabaho. Kung makikita ni Rita na okey na siyang muli, posibleng mag-isip ito na makipagbalikan sa kanya.

May mga relasyong sadyang nasisira dahil sa financial and security reasons, pero nabubuong muli pag naayos na ang isyu at pansamantalang nagkaroon sila ng space para pag-isipan ang sitwasyon.

Oo, masakit para kay Ronald ang marinig kay Rita na magkaiba sila sa maraming bagay dahil napakalabong dahilan niyon, pero tanggapin muna niya pansamantala. Who knows, baka sa pansamantalang paglaya rin niya kay Rita ay may mas magandang mangyari sa buhay niya at love life.