Skip to main content

Lalaki na-heart attack sa 'passionate date'

HINIHINALANG inatake sa puso ang isang lalaki habang naka-check in kasama ang hindi pa nakikilalang babae sa isang motel sa Pasay City.

Sa ulat ni Pasay City Police Officer-In-Charge Police Sr. Supt. Joel Doria, natagpuan ang bangkay ni Roderick Azurin, 42, ng P.K. Tayud, Lioan, Cebu, alas 3:35 ng madaling-araw noong April 19 sa loob ng Joy’s Inn Motel sa #62, Sta. Monica St., Bgy. 10, Zone 4 Pasay City. Nakilala ito sa pamamagitan ng kanyang  postal ID.

Batay naman sa pagsisiyasat ni PO3 Giovanni Arcinue, nag-check in ang biktima sa naturang motel bandang 1:35 ng madaling-araw ng nasabing petsa kasama ang isang hindi pa nakilalang babae sa Room 301-B para sa dalawang oras na pamamalagi.

Ayon kay Felix Salcon, room boy ng motel, kakatok umano sana siya sa pinto ng kuwarto upang sabihan si Azurin na malapit na itong mag-check-out nang mapansin na nakaawang ang pintuan. Sinilip niya ito at nakita niyang nakahandusay at nakahubad ang  biktima sa sahig at wala na itong  buhay.

Wala naman sa loob ng  kuwarto ang kasama nitong babae na may taas na limang talampakan, chubby, hanggang balikat ang buhok, nakasuot ng  T-shirt na puti na may kumbinasyong kulay pula at maong shorts batay sa description nito na nakita sa CCTV ng motel.

Sa initial na pagsusuri sa bangkay, hinihinalang inatake ito sa puso. Wala naman itong anumang external injuries.

Hinahanap pa rin ng pulisya ang babaing kasama ng biktima upang malinawan kung ano ang talagang nangyari.

EDITOR’S TAKE:

Ingat lang po sa paggo-goodtime ang mga kalalakihan. Tiyakin lang na kaya ng inyong puso ang rumaragasang emotion and passion.