Skip to main content

Malungkot na biyuda

November 23, 2015

NAMATAY ang asawa ni Ellen noong 2013 dahil sa atake sa puso. Gusto na niyang maibalik sa masayang buhay ang sarili ngayon.

May isa siyang anak na babae na matagal nang naglayas sa kanila dahil nakagalit nito ang amang namatay. Naligaw ito ng landas, nabuntis at ayaw nang makita pa si Ellen.

Nauunawaan daw niya ang anak. Hindi kasi niya ito naipagtanggol sa ama nang mag-away ang dalawa noon.

Kamakailan ay nakilala ni Ellen si Gio—at nagsimula silang lumabas-labas. Hiwalay na ito sa asawa at ayon dito ay ayaw na sa seryosong relasyon. Ayaw na raw ni Gio na masaktang muli dahil ilang beses na raw itong naloko ng mga babae.

Si Ellen daw ang tipo ng babae na hindi nananakit ng damdamin ng lalaki. Ang gusto raw niya ngayon ay magkaroon ng bagong mamahalin at makakausap kapag nalulungkot siya.

Hindi raw niya alam kung mauunawaan ni Gio ang kanyang nasa damdamin. Hindi raw kaya nag-aaksaya lang siya ng oras dito? Gusto raw niya ito pero kinakabahan siya sa kawalan nito ng pangako para sa isang commitment.

Sobrang lungkot daw ngayon ni Ellen dahil feeling niya ay nag-iisa na siya sa mundo. Lahat nang kaibigan niya ay may pamilya na kaya madalas ay wala siyang makausap.

EDITOR’S TAKE:

Nakakatuwa na handa na uling magmahal si Ellen. Pero kung tutuusin ay hindi na siya dapat maghanap pa ng panibagong life partner.

Kung malungkot siya, i-enjoy na lang niya ang company ni Gio kung ang gusto nito ay hanggang huntahan lang. Kumain sila sa labas, gumimik at manood ng sine. Hindi kailangang maging intimate o mauwi sa sex.

Kung magiging super close na sila at higit na makikilala ang isa’t isa, baka mawala na ang worry ni Gio sa mga babaing madalas manloko rito, at baka ma-in love na ito sa kanya.

Walang masama kung dadahan-dahanin ang lahat at tingnan kung saan ito puwedeng mapunta.

Puwede ring later on ay ma-realize ni Ellen na hindi naman pala si Gio ang lalaking hinahanap niya.

Para naman sa kanyang anak, hangga’t gusto ni Ellen na makita at makasama muli ito, wala na siyang ibang magagawa pa. Nasa kanyang anak ang desisyon.

Nauunawaan natin kung bakit nasaktan ang anak niya, at inamin naman ni Ellen ang naging pagkukulang dito kaya hindi niya dapat asahan na magiging madali para rito na magkaayos sila agad-agad.

Posibleng matagalan bago malinawan ang kanyang anak. Gayunpaman, kung patuloy niya itong hihingan ng tawad at mangangako siya rito na magsisimula silang muli bilang magnanay, posibleng kapwa nila makamit ang hinahanap nilang peace of mind at maka-move on na sila sa trahedyang sumapit sa kanilang mag-ina.