Skip to main content

May bago nang BF pero pinapantasya pa rin ang kanyang ex

May 27, 2015

MAY boyfriend na Mariel, 23 at isang call center agent. Ang karelasyon niya na si Phil ayon sa kanya ay “smart, funny, genuine and handsome”. Ito raw ang klase ng lalaki na pangarap na maging karelasyon ng kahit sinong babae.

Mahigit isang taon na ang kanilang relasyon. Iyon nga lang, 5 months ago ay nag-abroad si Phil kaya long distance muna ang relasyon nila.

Mahal na mahal daw ni Mariel si Phil. Gayunpaman ay may ibang lalaking laging laman ang kanyang isipan—ang kanyang ex-boyfriend na si Joey.

Si Joey ang kumalas sa kanilang relasyon noon, at aminado si Mariel na kahit gaano niya kamahal at napaka-ideal BF ni Phil ay hindi pa rin siya nakaka-move on sa heartbreak sa kanyang ex.

Ang problema, dahil wala si Phil ay nagkakasama sila ni Joey ngayon sa mga gimikan—bilang magkaibigan kasama naman daw ang iba pa nilang barkada. Hindi raw niya alam pero basta nasa tabi siya ni Joey, natititigan niya ito ay ang saya-saya niya at ibang klaseng kaligayahan ang nadarama niya.

Gusto raw niyang itanong kay Joey kung okey lang na magkabalikan sila, pero natatakot si Mariel na baka nga kaibigan na lang ang turing sa kanya ng ex. Hindi rin daw siya sure kung may feelings pa ito sa kanya. Natatakot din siya na baka kapag nag-usisa siya rito, muli siyang iwasan kahit bilang kaibigan.

Iniisip na raw ni Mariel na ipagtapat kay Phil ang kanyang problema, pero paano kung ayaw na raw talaga sa kanya ni Joey? Ayaw rin daw naman niyang pakawalan ang oportunidad na makapili ng lalaking talagang isinisigaw ng puso niya habang malaya pa siya.

EDITOR’S TAKE:

Posibleng naiinip lang si Mariel dahil wala si Phil kaya nagbabalik ang feelings niya kay Joey.

Gayunpaman, mainam na ring magbakasali siyang sabihin kay Joey ang feelings niya. After all ay dati namang naging sila. Hindi na magiging awkward iyon.

Kung hindi na interesado sa kanya si Joey, fine. Pero kailangang kalimutan na niya ito kung ganoon dahil hindi siya makaka-move on sa kanyang buhay kung laging nasa background ang kanyang ex.

Dapat ding maisip ni Mariel na sa reyalidad, ang mga naiisip nating muling pag-init ng natapos nang romansa ay kalimitang hindi na nagaganap. Kaya dapat siyang mag-ingat na ipagpalit si Phil sa isang lalaking laman na lang ngayon ng kanyang pantasya.