Skip to main content

May cancer na raw ang ex-BF niya na gustong makipagbalikan sa kanya

August 3, 2015

INIWAN si Donna ng kanyang boyfriend na si Rudy at nakipagrelasyon ito sa iba. Makalipas ang ilang buwan ay nag-text ito sa kanya at sinabing may kanser daw ito.

Ayon kay Rudy, kaya nito iniwan si Donna ay dahil nga may sakit ito at gusto nito na makakita ang dalaga ng lalaking mas deserve niya at hindi ang gaya nito na malapit nang mamatay.

Mula noon ay araw-araw na itong nagte-text sa kanya at kung puwede raw na magkabalikan sila.

Hindi raw alam ni Donna kung ano ang gusto ni Rudy mula sa kanya at nakikipagbalikan ito. Kung iniwan siya nito dahil may sakit ito, bakit siya iniwan nito para ipagpalit sa iba? At bakit nakikipagbalikan ito sa kanya gayung may karelasyon pa rin naman ito?

EDITOR’S TAKE:
Kung totoong may sakit si Rudy ay nakakalungkot din naman. Nakapagtataka lang na hindi agad nito sinabi kay Donna noon at sa halip ay iniwan siya at nakipagrelasyon sa iba.

Hindi na dapat i-entertain ni Donna ang mga text messages  ni Rudy dahil lang naaawa siya rito. Sabihin na niya na hindi na siya interesado sa nakaraan at sa sitwasyon nito ngayon dahil tapos na rin naman sila. Bakit naman siya makikipagbalikan sa lalaking pinalungkot na nga siya noon ay mukhang mas palulungkutin pa siya ngayon?