Skip to main content

Misis duda na may 'bromance' sa pagitan ng mister at bagong kaibigan

July 2, 2015

BAGONG lipat sina Irene at Rino sa isang subdivision sa Metro Manila. Galing silang probinsya. Mayroon na silang isang anak. Maganda ang community at mababait ang kanilang mga kapitbahay.

Ang problema ni Irene, isa sa mga naging kaibigan ni Rino sa kanilang nilipatan ay may pagkababaero, si Jack. May asawa na rin ito at dalawa na ang anak.

Masayahing tao raw si Jack. Pero pag nag-iinuman ang mga ito sa kanila kasama si Rino ay madalas niyang marinig na nagkukuwento ito ng tungkol sa mga nagiging kabit nito. Kinakabahan daw siya na baka mapagaya kay Jack ang kanyang mister.

Malakas din daw ang gay radar ni Irene at kahit sa kuwento ni Jack ay babaero ito, ang tingin niya rito ay silahis. Lagi itong nakaakbay kay Rino at pinupuri kung gaano kaguwapo ang kanyang mister.

Ang masaklap pa, madalas siyang pintasan ni Jack. Anito, sa sobrang guwapo raw ni Rino, nakakuha sana ito ng mas maganda kaysa kanya. Siyempe ay nao-offend si Lucy.

Naging sobrang close daw sina Rino at Jack at feeling ni Irene ay may namamagitan nang “bromance” sa dalawa.

Ayaw raw niyang sabihin ang naoobserbahan sa mister niya dahil baka magalit ito sa kanya. Hindi rin niya malaman ang gagawin sa kasalukuyang sitwasyon.

EDITOR’S TAKE:

Kung pinipintasan si Lucy ni Jack, puwede naman niyang sabihin dito na itigil ang pagiging sarcastic. Kung hindi niya ito sasawayin, patuloy nitong gagawin iyon sa kanya.

Sa isyu ng “bromance”, alalahanin ni Lucy na bago pa lang magkaibigan sina Rino at Jack kaya medyo intense pa ang friendship. Hindi magtatagal at mababawasan din iyon lalo na pag naging busy na silang pareho sa trabaho at iba pang aspeto ng buhay.

Lagi naman tayong may isyu sa mga kaibigan ng ating karelasyon, pero kailangan nating tanggapin na bahagi iyon ng buhay. Kung may gagawin silang masama sa atin, hindi naman natin iyon dapat palampasin.

Kung may sinasabing hindi maganda kay Lucy si Jack at hindi na okey iyon para kay Rino ay tiyak namang sasawayin ito ng mister niya.

Kung totoo namang babaero si Jack, hindi naman siguro ganoon kahina ang karakter ni Rino para basta na lang gumaya rito. Hindi dahil babaero ang kaibigan ay babaero na rin ang kabarkada nito.

Isipin na rin lang ni Irene na dahil bagong lipat sila sa subdivision, kailangan talagang makisama muna ni Rino sa mga bagong kakilala at kaibigan doon.