Skip to main content

Mister nai-insecure sa kapitbahay na hunk

May 15, 2015

NANINIRAHAN si Miguel at ang misis niyang si Amy sa isang apartment sa Quezon City. Pareho silang nasa early 30’s. May isa na silang anak. Kamakailan ay may lumipat sa bakanteng puwesto na katabi lang ng kanilang unit.

Ang bago nilang kapitbahay ay si Jay. Nasa late 20’s naman ito at isang gym instructor.

Naging kakuwentuhan nila si Jay pag weekend at nasa bahay lang silang mag-asawa. May napansin si Miguel sa misis na si Amy—laging malagkit ang tingin nito sa kanilang kapitbahay.

Nagsimula siyang obserbahan ang misis. Nagiging masigla ito pag kakuwentuhan nila si Jay. At palihim ay napapansin din niyang nanlalaki ang mga mata nito pag nakikitang walang T-shirt ang gym instructor at kitang-kita ang magandang pangangatawan.

Minsan ay hindi na siya nakatiis at tinanong ang misis kung attracted ba ito kay Jay. Hindi raw. Pero naging simula iyon ng kanilang madalas na pag-aaway.

Hindi na rin sila nakikipag-bonding sa kapitbahay pag weekend, at hindi na niya kinakausap si Jay—na labis na ipinagtataka ng binata.

Ang gustong matiyak ni Miguel, nagkagusto nga kaya si Amy kay Jay?

EDITOR’S TAKE:

Posibleng guwapo nga at hunk si Jay, pero hindi naman dapat agad isipin ni Miguel na attracted dito si Amy.

Ang malinaw rito ay nakaramdam siya ng insecurity sa binata. Posibleng noon pa may insecurity si Miguel at na-trigger lang ng pagkakaroon ng guwapong kapitbahay at isang eye candy para sa mga kababaihan.

Pero tama ang naging desisyon niya na itigil na ang bonding kay Jay every weekend para hindi lumala ang insecurity niya. Tutal ay may anak naman sila, puwede silang mamasyal o magkaroon ng ibang activities.

Higit sa lahat, dapat ibalik ni Miguel ang tiwala kay Amy. Sa palagay ba niya, kung siya ang pagbintangan nito na nagkakagusto sa iba pero hindi naman totoo, matutuwa ba siya?