Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 20)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-20 labas)

UMIYAK si Lorde nang mapag-usapan nila ng kanyang mommy ang tungkol sa pagkawala ni Martin. Napatingin sa kanya si Peanut. Medyo kumiling ang ulo nito at tila nagtataka kung bakit siya umiiyak.

Tumahol ito, umakyat sa sofa at lumapit kay Lorde. Tuloy sa pagtahol. Nagkatawanan silang mag-ina sa liit ng boses nito.

Kumalas siya sa ina at kinarga si Peanut. “O, huwag ka nang tumahol. Wala namang umaaway sa Ate Lorde mo, eh.”

Kumawag ang buntot ni Peanut at hinalikan sa pisngi si Lorde. Dumila.

“Ang lambing naman ng puppy na iyan. Guwapo raw ang nagbigay niyan at tagarito lang sabi ni Ate Nora,” singit ng mommy niya. “Nanliligaw ba sa ‘yo?”

Ngumiti lang si Lorde at nanggigigil na nilaro si Peanut. Napailing na lang ang kanyang ina sa tila pagbalewala niya sa tanong nito. “Hay, naku, Lorde... kilalang-kilala kita,” napabuntunghiningang bulalas na lang nito.

Nang makaalis ang kanyang ina ay nahulog sa mahabang pag-iisip si Lorde.

May dating sa kanya ang sinabi ng kanyang mommy na sa tagal nang nawawala ni Martin, mahal pa nga ba siya nito? Na kung ang isang asawa ay nawawala, ang boyfriend pa ba ang hindi?

Gusto na naman sana niyang mapaiyak pero pinigil niya ang luha. Naalala niya ang sinabi ng ina na ang tagal-tagal na niyang nagpapakatanga, Na napakabata pa niya at marami pang magagandang bagay na darating sa kanya—kasama na ang bagong pag-ibig.

Napatingin siya kay Peanut na maharot na naglalaro sa harapan niya. Kapagkuwa’y sa malaking larawan naman ni Martin siya napasulyap.

At sumagi sa isip niya si Storm...

At naitanong niya sa sarili: Ah, bakit nga ba siya magpapakatanga?

**

KAHIT maraming gumugulo sa isip niya nang mga sandaling iyon ay pilit na nagko-concentrate sa trabaho si Storm at nagme-make up sa mga araw na hindi siya nakapasok. Nagpagawa siya ng mga bagong posters kanilang art department para sa outlet kung saan siya ang manager. Binago rin niya nang bahagya ang ayos ng mga upuan at mesa para hindi boring ang setting sa mga dati na nilang patrons. Ang gusto naman niya ay maka-attract ngayon ng mga bagong customer.

Nasa kanyang cubicle siya nang mag-ring ang kanyang cellphone. Text message iyon from Lorde.

Mensahe ng dalaga: “Hoy, bagyo... asan ka?”

Natawa siya. Gusto niya ang pagkabarubal nito kahit sa text. Sumagot siya na nasa coffee shop siya at on duty.

Reply ng dalaga: “Puwede ba kaming magpunta ng barkada riyan? Nangungulit ang mga gaga, gusto ka raw makita, e, ang pangit mo naman!”

Napasipol siya sa hangin at na-excite. “Sure,” sagot niya. “Hanggang 9 PM pa ako rito. Alam n’yo ang pagpunta rito sa coffee shop?”

Sagot ni Lorde, “Oo naman! Wala naman ‘yan sa ibang planeta, di ba?!”

Nagka-sound ang tawa niya. Ibang klase talaga ang punch line nito. Nag-send siya rito ng smiley at sinabing hihintayin ang mga ito.

“Libre lafang lang kami, ha? Walang datung ang mga lola,” reply nito na may emoji na nahihiya.

Sumagot siya. “Sure. Pero ako, sa ‘yo lang libre at hindi puwedeng i-share sa kanila.”

Emoji na nambubuntal ang naging reply nito.

Sumigla si Storm. Kahit naging abala at biglang dumami ang kanilang mga customer ay tila hindi siya napapagod. Maya’t maya ay tumitingin siya sa pinto kung paparating na ba si Lorde at ang mga kaibigan nito.

Ten minutes before 7 PM ay dumating ito. Dalawa lang ang kasama. Napahinga nang malalim si Storm nang pagmasdan ang dalaga.

Naka-dress ito ng floral na may summer motif print. Medyo mataas ang cut kaya litaw na naman ang magaganda nitong legs. Sleeveless iyon at bahagyang bumabagsak ang tirante sa balikat, pero naka-sports bra naman ito kaya safe.

Mas daring naman ang suot ng dalawang kasama nito na tila galing sa workout—naka-shorts at T-shirt na kita ang tiyan.

Agad siyang sumalubong sa mga ito. Dinala niya sa ipina-reserve niyang mesa na good for 10 persons sana. Pinabawasan na lang niya sa kanyang staff at isang table na lang ang ipinaiwan niya at magkakalapit ang puwesto ng mga ito. Inalalayan niya sa pag-upo ang dalaga.

“Ang gentleman niya!” kinikilig na komento ng isa sa friends nito.

“Nagpapanggap lang ‘yan,” sagot ni Lorde.

Muli siyang ipinakilala nito sa dalawang kasama. Kinamayan niya ang dalawa pero nag-fail siya na maalala ang pangalan ng mga ito dahil ang isip at mata niya ay na kay Lorde lang.

Lumapit ang isa nilang crew na may dalang menu book. Sinabihan ito ni Storm na bigyan na lang ang mga ito ng kanilang specialty dahil bisita niya ang tatlo. “Plus our best coffee,” utos pa niya sa crew.

Nag-react ang isang kasama ni Lorde. “Ay, ang sosi naman! Baka kapusin kami sa pambayad.”

“No worries,” maagap na sagot ni Storm. “It’s on the house.”

 

END OF BOOK TWO

(To be continued...)