Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 21)

Nobela ni KC CORDERO

Book III

(Ika-21 labas)

NAGPALAKPAKAN ang dalawang kasama ni Lorde nang sabihin ni Storm na libre lang lahat ang order ng mga ito.

“Yes, lafang to the max na ‘to!” anang isa.

Bahagyang sinabunutan ito ng dalaga. “Basta libre ang mga matatakaw ang sasaya! Silence please, nakakahiya sa ibang customers.”

Nae-enjoy ni Storm ang kulitan ng grupo. Di naman nagtagal at dumating na ang ipinahanda niya para sa mga ito. Siya mismo ang nag-serve ng para kay Lorde. Nagkurutan ang mga kasama nito at kinilig sa kanyang gesture.

Para ma-enjoy ng mga ito ang pagkain ay iniwan muna niya saglit. Nag-estima siya ng ibang customers. Lumapit sa kanya ang male crew na nag-serve kina Lorde. Bata pa ito at maya’t maya ay nasulyap sa grupo.

Bumulong ito sa kanya. “Ang gaganda ng mga bisita mo, Boss! Ang seseksi pa. Tagang-taga ang mga tiyan!”

“E, kung ‘yang leeg mo kaya ang tinataga ko?” singhal niya rito.

Kakamut-kamot ang ulong lumayo sa kanya ang crew.

Siya naman ang topic ng magkakabarkada. Ikinuwento ni Lorde sa mga ito kung paano sila nag-meet ni Storm. Pasulyap-sulyap siya rito. Ang guwapo rin pala ng binata kapag naka-corporate look. Sanay kasi siyang nakikitang nakapang-NBA o workout ito ng suot. Parang lalong ang bangu-bango nito pag naka-long sleeves na may kurbata. Lalong na-emphasize ang broad shoulders nito.

“Palagay ko siya na ang destiny mo, Lorde,” anang isa. “Ang cute ng simula ng love story n’yo.”

“Love story agad-agad?” bara rito ng dalaga. “Hindi ba puwedeng friendship lang?”
Si Lorde naman ang medyo sinabunutan ng isa. “Huwag ka ngang magganda-gandahan! Halatang type mo siya.”

“Hindi,” tanggi niya.

“Talagang hindi?” pangungulit ng isa pa.

“Hindi nga,” sagot ni Lorde.

“Sige, akin na lang. Aakitin ko siya...”

“Subukan mo, kakalbuhin kita!” biglang sagot ni Lorde.

Nagulat pa si Storm nang biglang sumabog ang tawanan sa mesa nina Lorde. Na bigla ring natahimik nang tumingin sa mga ito ang ibang customers.

Matapos kumain ay nagpaalam na ang tatlo. Nagpasalamat sa free meryenda na sobrang sarap daw. Tumingin sa wall clock si Storm.

“Malapit na rin ang out ko, sumabay ka na lang sa akin,” yaya niya kay Lorde.

Agad pabirong itinulak ng isa palapit kay Storm ang dalaga. “O, ayan... sumabay ka na. Iisa naman ang inuuwian n’yo, di ba?”

“Oo nga,” sang-ayon ng isa pa. “Saka maaga pa, puwede pang mamasyal sa Luneta.”

Namula ang mga pisngi ni Lorde dahil halos napayakap siya kay Storm nang itulak ng kaibigan palapit dito.

Nagmamadaling lumabas na ang makukulit na barkada nito. Kumaway na lang sa kanya at sabay pang nagsabi ng, “Enjoy! Kuwentuhan mo kami bukas, ha?”

“Asar ‘tong mga ‘to, nakakahiya!” mahinang sambit ng dalaga.

Natawa si Storm at pinaupo muli si Lorde sa isang mesa at binigyan ng pineapple juice in can.

Bago naman nag-time out ay nagwisik pa ng pabango si Storm. Who knows, baka tama ang isang friend ni Lorde at makapamasyal pa sila bago umuwi sa Kalye Pagmamahalan.

Saglit pa, sakay na niya si Lorde sa kanyang Volks. Matapos itong mag-thank you, for the nth time, ay tahimik lang sila habang nasa sasakyan. Maya-maya ay may natanaw na tea house si Storm. Binagalan niya ang takbo.

“Mag-tea tayo, okey lang?” tanong niya rito at itinuro ang tea house.

“Busog pa ako, eh,” sagot nito.

“Para bumaba ang busog. Saka para matunaw ang mga calories mo.”

“Sabagay,” tumawa si Lorde. “Ang takaw ko ngayon. Sarap kasi ng cakes n’yo. Kasalanan mo!”

“Aray ko,” natatawang sagot din niya at ipinarada ang Volks sa harap ng tea house.

Pumasok sila sa loob at umorder ng hot green tea. Umayaw na sa anumang solid food si Lorde dahil talaga raw busog ito.

Umiinom na sila ng tea nang magpasalamat siya kay Lorde.

Nagtaka ang dalaga. “Salamat saan? Ako nga itong maraming atraso sa ‘yo. Sinapak pa kita kanina.”

Hinawakan ni Storm ang pisngi. “Medyo pasa nga, e.”

Nahawakan ni Lorde ang bibig. “Di nga?” Nasa tinig nito ang guilt.

Ipinakita niya rito ang pisngi. Hinawakan nito iyon. Gustong mapapikit ni Storm nang maramdaman sa pisngi niya ang malalambot na daliri ng dalaga.

Sa pagkagulat niya, pinitik nito iyon!

“Arte mo!” anito at umirap. “Wala namang pasa. Magkakapasa ka ba, e, ang tigas-tigas ng katawan mo.”

Nagbiro siya. “May iba pang matigas sa akin.”

“Bastos!”

“Ito, o...” ipinakita niya ang braso na hinataw nito noon ng baseball bat. “Namaga ‘yan noon, akala mo ba?”

Doon talagang sumeryoso ang dalaga. Pinisil ang braso niya. “Sorry. Sobrang bayolente ko lang talaga. Pero unti-unti na akong nagbabago. Ayoko ko nang maging mataray. Masakit pa?”

Pinisil niya ang mga daliri nitong nakahawak sa braso niya. “Dahil hinaplos mo, gumaling na ngayon lang.”

Pinitik muli ni Lorde ang braso niya. “Ang hilig mong humirit!” komento nito.

Sabay silang nag-sip ng tea.

Maya-maya ay nagtanong si Storm. “Curious lang talaga ako, kumusta na kayo ng BF mo?”

 

SUBAYBAYAN!