Skip to main content

Na-frustrate sa kanya ang parents niya nang maaga siyang mabuntis

September 4, 2015

MABAIT at masunuring anak si Lolita. Nag-iisa lang siya na naging anak ng kanyang parents. Hindi sila mayaman pero nasusunod ng mga ito ang mga gusto niya. Isa lang ang hiling ng mga ito sa kanya—ang makatapos siya ng pag-aaral.

Matalino si Lolita at consistent honor student. Nang magkolehiyo na siya ay kumuha siya ng accounting, at plano niyang magtuloy sa law school pag natapos niya ang una niyang course.

Third year na siya nang makilala niya si Gilbert at naging mag-on sila. First boyfriend niya ito, engineering student at schoolmate niya. Sobra siyang na-in love sa BF at naisuko niya rito ang lahat. Ang masaklap ay nagbuntis siya.

Handa naman si Gilbert na panagutan siya. Nang ipaalam niya sa kanyang parents ang sitwasyon niya, at sabihing magpapakasal na sila ni Gilbert ay hinimatay ang kanyang ina. First time naman niyang nakitang napahagulhol ang kanyang ama.

Mula noon ay naging tahimik at malungkot ang kanyang parents. Nang ikasal sila ni Gilbert ay parang lalong lumungkot ang mga ito, lalo pa at bumukod na sila ng tirahan.

Nakaramdam ng guilt si Lolita dahil feeling niya kapag dinadalaw ang parents ay nawalan na ng buhay ang kanilang tahanan at hindi na yata marunong ngumiti ang mga ito. Kinukumusta naman siya at ang kanyang kalagayan, pero wala na ang dating lambing ng mga ito sa kanya. Para bang naglagay na ito ng wall sa pagitan nila.

Ano raw kaya ang dapat gawin ni Lolita para muling mapasaya ang kanyang parents?

EDITOR’S TAKE:

Understandable ang naging damdamin ng parents ni Lolita. Nag-iisa siyang anak, at maaga pang nag-asawa.

Siguro kapag nakita ng mga ito ang magiging apo mula sa kanya ay baka magbago ang sitwasyon at sumaya na ang mga ito. Iba raw kasi ang ligayang hatid ng apo sa mga lolo at lola.

Ang payo natin kay Lolita, once na makapanganak siya ay magplano sila ni Gilbert sa pagpapamilya at huwag agad sundan ang baby nila. Pilitin din niyang matapos ang kanyang course, at maialay ang kanyang diploma sa kanyang parents. Kapag naihandog niya ang kanyang diploma sa mga ito, and since ay pangarap talaga ng mga ito na makatapos siya, posibleng bumalik na rin ang sigla ng mga ito at muling maging magiliw sa kanya dahil ang pamanang nais iwan ng mga ito sa kanya—ang edukasyon—ay napasakamay na niya.