Skip to main content

Naging kriminal ang BF niya

November 30, 2015

KASINTAHAN ni Vivian si Lucio. Aniya ay mabait ito at magkakilala na sila mula high school. Ngayong taon na ito ay napabarkada ang kanyang boyfriend, at madalas ay nasasangkot sa gulo.

Napaaway ang tropa nito minsang gumimik at nakasaksak si Lucio. Nagkataon naman na maimpluwensya pala ang nakaaway nito kaya nakasuhan ito—at malaki ang posibilidad na makulong.

Nawasak daw ang mundo ni Vivian dahil sa kinakaharap ng kanyang BF.

Ano raw kaya ang nangyari samantalang matino naman dati si Lucio at may maayos na trabaho?

Hindi raw niya alam kung anong bukas ang naghihintay sa kanila sakaling makulong ito.

 EDITOR’S TAKE:

Sabihin na nating isang “stupid” si Lucio para masangkot sa ganitong barkada at gulo. At dapat naman talaga siyang maparusahan dahil sa ginawa niyang pananaksak. Kapag nakulong siya, malalaman niya ang kanyang naging pagkakamali.

Siguro ay na-realize na niya iyon ngayon. At hindi lang ang buhay niya ang masisira kundi maging ang kay Vivian.

Dapat ipaliwanag ni Vivian kay Lucio na maging wake up call na sa kanyang BF ang nangyari. Patawarin niya ito ngayon, pero kapag umulit pa ay sabihin niyang tatapusin na niya ang lahat sa kanila. Walang future sa lalaking nabubuhay sa karahasan.

Kapag nakulong na si Lucio ay hindi dapat doon matapos ang buhay ni Vivian. May mga kaibigan siya, mga magulang at mga kapatid na handang sumuporta sa kanya para muling mabuo ang kanyang mundo.