Skip to main content

Nakilala lang sa FB ang 'killer BF'

February 18, 2016

KARUMAL-DUMAL ang sinapit ng isang gay na 21 beses na pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng umano’y kanyang boyfriend,  noong Pebrero 16 sa loob ng kanyang condominium sa Sta. Mesa, Maynila.

Ayon kay PO3 Michael Marragun ng Manila Police District-Homicide Section, alas 4:40 na ng hapon, February 17, nang matagpuan ang bangkay ni George Zapata, alyas Jen, 50, ng Rm. 205 B Sagana Tower 1 Condominium na matatagpuan sa  J. Ampil St. Sta.Mesa,Maynila.

Ibinalot pa sa kumot ang bangkay ng biktima.

Inutos ni MPD Homicide Section chief, Sr. Insp. Rommel Anicete  ang pagsasagawa ng follow-up operation laban sa umano’y boyfriend ng biktima na inilarawang nasa edad 22-25, may taas na 5’5” at maputi.

Lumilitaw na Pebrero 16 ng gabi  nang nakarinig ng ingay mula sa ikalawang palapag ng condominium ang security guard na nakilalang si  Tony na inakala nito na nakikipag- sex lamang ang biktima sa suspek kaya’t hindi na rin nito iyon pinansin.

Gayunman, noong Pebrero 17 ay hindi na  nakita ang biktima na lumabas ng kanyang unit na naging dahilan upang silipin ang awang ng pintuan at doon nga nakitang magulo ang lugar.

Agad na inutusan ang utility ng condo na tanggalin ang isang salamin ng bintana ng unit ng biktima at dito na nila nakumpirma na bangkay ng biktima ang nakabalot ng kumot. Tadtad ito ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Hindi na rin makita ang lalaking kasama nito. Nawawala rin ang cellphone at pera ng biktima ayon kay Anicete.

Sinabi naman ng pamangkin ng biktima na si Yohan, noong Pebrero 9 niya nakita sa Facebook ang lalaking tinutukoy na kasama ng kanyang tiyuhin bago ito nakitang patay.

Ayon kay Yohan ay isang kusinero sa karinderya ang suspek pero hindi ipinakilala sa kanya ng biktima na boyfriend.

EDITOR’S TAKE:

Ingat sa mga taong nakikilala lang sa social media.