Skip to main content

Pagod na siya sa patagong relasyon

July 4, 2015

NAGKAROON si Alexa, 20, ng relasyon kay Mac, 37 years old. May asawa na si Mac.

Alam ni Alexa na malaki ang agwat ng edad nila ni Mac. Alam din niya na hindi nito iiwan ang asawa.

Ramdam niya na mahal na mahal siya ni Mac, at kahit ano raw ang hingin niya rito ay naibibigay ng lalaki. Isang bagay lang ang hindi nito kayang gawin—ang iwan ang asawa.

Hindi naman daw niya ipinipilit iyon, pero ramdam ni Mac na ang gusto ni Alexa ay silang dalawa na ang magsama.

Ayaw bigyan ni Alexa ng ultimatum si Mac dahil baka pag ginawa niya iyon ay iwan siya nito—at ayaw niyang mawala ito sa buhay niya.

Gayunpaman ay pagod na raw si Alexa sa mga patago nilang pagkikita sa mga motel o sa malalayong lugar para lang masarili nila ang isa’t isa. Gusto na niya ng mahabang panahon sa piling ni Mac.

Pakiramdam daw niya ay nag-invest na siya ng sobrang sakripisyo at damdamin sa kanilang relasyon, at hindi na niya alam kung paano iyon puputulin.

EDITOR’S TAKE:

Nahulog si Alexa sa isang trap na kalimitang kinababagsakan ng isang other woman—ang umasang balang araw ay tuluyang magiging kanya ang lalaking minahal kahit na may pananagutan na ito.

Bihirang mangyari ang ganoon. At ngayong nalaman niyang imposibleng mangyari nga, paano na?

Kung patuloy siyang makikipagkita kay Mac, hanggang ganoon na lang ang kanilang relasyon. Pero paano siya makakakilala ng ibang lalaking mahahalin siya at malaya pa kung hindi siya kakalas kay Mac?

Umpisa pa lang ay alam na niya ang posisyon niya sa buhay nito na isang other woman lang. Posibleng masaya siya noong una, pero nang magtagal ay hindi na. At paano kung matuklasan na ng misis ni Mac?

Dapat ding isipin ni Alexa na niloloko ni Mac ang misis nito. Sa palagay ba niya, sakaling mangyari na siya na ang pakisamahan nito, sigurado ba siya na hindi na ito mambababae pa?

Gising, Alexa!