Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

A Piece of My Heart (Part 1)

Nobela ni SEL BARLAM

(Unang labas)

DUMATING na ang araw na kinatatakutang mangyari ni Haidy sa pagitan nila ni Jat.

“Kung ganoon, iwi-wish na lang ba kita ng happy trip?” gustong mabasag ng boses ng dalaga. Nakayakap doon ang walang kasukat na kalungkutang nararamdaman kasabay ang hindi na naawat na pagsungaw ng mga bubog ng luha mula sa mga mata.

"Kung alam mo lang, masakit din sa akin ang lahat nang ito…” pigil din ni Jat ang bigat ng emosyon habang mahigpit na gagap ang mga palad ng kasintahan.

“Hihintayin pa ba kita?” tuluyan nang napaiyak si Haidy nang itanong iyon kay Jat at salubungin ang malalamlam na titig ng binata.

“Ayoko namang maging maramot sa kaligayahan mo…”

“Ibig lang sabihin, hindi ka na nga magbabalik,” hilam na sa luha ang mga mata ni Haidy.

“Kung ako nga lang ang magpapasya…” saka buong pagmamahal na pinahid ng kamay ng binata ang mga luhang naglalandas sa kanyang mga pisngi at niyakap siya nang mahigpit na mahigpit.

Kung si Jat nga lang ang magpapasya…

Nababasa ni Haidy ang pagtutol ng damdamin ni Jat sa nakapagitan sa kanilang sitwasyon.

Iyon na kasi ang magiging huling pagkikita nila ng kasintahan pagkaraang maisaayos ng mga magulang nito ang mga papeles ng binata patungong United States. Doon na ito magpapatuloy ng pag-aaral. O, tiyak na roon na rin maninirahan dahil doon nakabase ang mga hanapbuhay ng ama at ina nito na matagal na ring namamalagi sa nasabing bansa.

Pero batid niya, paraan lang ng mga magulang ni Jat ang pagpapatuloy ng pag-aaral ng binata sa US. Ang totoo, sadyang inilayo sa kanya ng mga ito ang kasintahan.

Tutol sa kanya ang mga magulang ng lalaki. Nagsimula ang lahat nang ipakilala siya ng kasintahan sa mga ito at napag-alaman ang mga bagay-bagay tungkol sa kanyang pamilya.

Hindi gusto ng mga ito ang pagiging galing niya sa isang broken family.

Nang maghiwalay sila ni Jat sa Lover’s Lane ng kanilang campus, tuluyan nang nagkapira-piraso ang kanyang puso.

                                                           **

FIRST year, first semester ay magkaklase na sina Haidy at Jat sa kursong Computer Science sa isa sa pinakamahuhusay na unibersidad sa buong bansa. Sa mga panahong iyon, hanggang sa ngayong tumuntong na sila sa kanilang ikaapat na taon sa kolehiyo ay nanatili na sila sa kanilang dating section, sampu ng pagkakalapit ng kanilang mga damdamin, na isang mabuting pagkakaibigan ang naging simula.

Ginawa siyang happy woman ni Jat—flowers, chocolates and compliments, sinusorpresa siya at pinatatawa bawat minuto. Naka-incorporate sa kanyang direksyon ang mga pananaw nito—nadagdagan ang kanyang magagandang karanasan, malalawak na kaalaman, and she became better na ni siya, sa sarili niya ay hindi niya nahulaang she can love that much.

Kaya nga madalas na tukso sa kanya noon ng mga kaklase, boyfriend material na raw si Jat at ano pa ba ang hinihintay niya?

Pero ngayon nga’y dumadaloy na lang ang mga gunita…

Nakaalis na si Jat. Naging karugtong na rin ang kasintahan ng American Dream ng mga magulang nito sa lupain ni Uncle Sam.

Pasado alas tres na ng madaling-araw. Ang tagal-tagal na niyang nakatitig sa pangalan ni Jat na nasa chat names sa Facebook pero nananatili pa rin itong offline.

Hindi rin gumagalaw ang wall ng binata. Walang new post na naroroon. Ang masakit, hindi nito sinasagot ang kanyang messages.

Pang-ilang araw at linggo na ba niya iyong paghihintay?

Unti-unti, nginangatngat na ng depresyon ang kanyang puso. Hanggang hindi na niya napigilang umiyak nang umiyak…

“Haidy, gising ka pa?” Ang mahinang pagtawag na iyon ng kanyang inang nasa kabilang pinto, na marahil ay naulinigan pa rin ang pagiging gising niya sa dapat ay oras na ng pagtulog ang umagaw sa kanya mula sa mga paghikbi.

“Yes, ‘Ma, nagre-review po ako…” pagsisinungaling niya, pilit na binuo ang boses na gustong gumaralgal nang tumugon sa ina.

“You better sleep, mag-uumaga na, baka mas mahirapan ka mamaya sa exam kung kulang ang tulog mo,” paalaala sa kanya ng ina na narinig niyang humakbang na papalayo mula sa pinto ng kanyang silid.

Sumagot siya ng, “Opo, ‘Ma,” pero alam niyang hindi na iyon narinig ng kanyang ina.

Lumakad pa ang mga oras pero naging maramot na sa kanya ang antok.

Umaga. Atubiling pumasok sa loob ng kusina si Haidy. Namumugto pa rin mula sa magdamag na pag-iyak ang kanyang mga mata at ayaw niya iyong makita ng kanyang ina. Tiyak, sisitahin siya nito kung bakit at hindi siya nito titigilan sa kauusisa hangga’t hindi niya sinasabi ang totoo at iyon ang ayaw niya. Hindi pa nito alam ang tungkol sa kanila ni Jat.

“Hey, come here, breakfast is ready!” pagmamadaling tawag sa kanya ng ina, pagkakitang-pagkakita sa kanyang nakasilip sa may pintuan ng kusina. “Faster, faster, alam mo namang every minute, deadline ko, hindi na halos ako natutulog, aba!” wikang muli ng kanyang ina, na ang tinutukoy ay ang pagiging freelance writer nito sa iba’t ibang publishing house, saka pagkatapos ay iniayos ang omelet, mainit na corn soup at tasty bread sa pagkakahain sa may dining table habang panay pa rin ang senyas na kumain na siya.

Hinihila na rin siya ng gutom kaya dumulog na siya sa hapag-kainan. Isa pa, tanghali na para sa kanyang first subject. May oral exam pa sila. Kailangan niyang habulin ang oras. 

Nagsisimula na siyang kumain nang sitahin na nga ng kanyang ina ang paniningkit ng kanyang mga mata.

“Huhulaan ko, hindi dahil sa pagre-review kung bakit maga ‘yang mga mata mo. Umamin ka!” panunukol sa kanya ng ina, na sa buong buhay yata na kasama niya ito ay ang galing ng intuition at ang husay ring manghuli kung nagsisinungaling siya o hindi.

“Nag-review nga kasi ako magdamag, di ba?” giit niya rito saka kumuha ng tasty bread at pinalamanan ng omelet. 

“Tumingin ka nga sa akin nang diretso!” pangungulit ng nanay niya.

“Sus,” yumuko siya, umiwas sa makulit na tingin ng ina.

“Umiyak ka nga!” panunukso sa kanya nito na may kasama pang mga pilyang ngiti.

“Hindi nga sabi, eh!” napipikon na niyang sabi.  

“Look at your eyes!”

“Ay, ang kulit, sabi nang hindi, eh!”

“L-O-V-E?” tila pang-iistir pa sa kanya nito nang i-spell out pa ang salitang love.

“Hindi, ah!”

“Uy, nababasa ko sa eyes mo!”

“Eh, wala na nga ‘yung guy. Nasa US na at isa pa, ayaw sa ‘kin ng parents niya!” nang hindi na siya makapagsinungaling ay pag-amin na niya sa ina.

“Hello, you are so beautiful and smart!” saka pinisil pa siya nito sa pisngi pagkatapos.

“Pero galing naman daw ako sa isang broken home!”

Natawa nang malakas na malakas ang kanyang ina.

Sabi na nga ba niya. Hindi seseryosohin ng ina ang nararamdaman niya.  

 

SUBAYBAYAN!