Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

A Piece of My Heart (Part 4)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-4 na labas)

DEACTIVATED na ang account ni Jat sa Facebook. Iyon ang natuklasan ni Haidy sa kung ilang beses na pagkiklik niya sa pangalan ng kasintahan nang muling magbukas ng kanyang sariling account pero hindi na niya ito makita.

Iisa lang ang ibig sabihin niyon. Tuluyan nang tinuldukan ni Jat sa kanila ang lahat.

            Nanikip ang dibdib ni Haidy. Tila gusto na ring huminto ng pintig ng kanyang puso, animo’y nabarahan ang kanyang mga ugat at wala nang dugong nais dumaloy sa mga iyon.

            Ang hirap labanan ng sakit, umuusbong ang mga negatibong damdamin, kinakain ng mga iyon ang kanyang buong sistema.

            Ngunit ano pa nga ba ang magagawa niya, nagpasya na si Jat. At wala na ring kahalagahan ang kanyang mga pag-iyak.

Pero kahit na ano’ng tanggi ng isip niya upang iwaksi ang imahe ng katipan, isa-isa pa ring binubuo ng puso niya ang mga alaala...

Ang pamilyar na sa kanya, na sunud-sunod at malalakas na namang pagbusina ng kotse ni Angelo na natitiyak niyang sa harapan na naman ng kanilang tarangkahan nakatigil ang muling nag-utos sa kanya upang puntahan ang kinaroroonan ng kaklase. Alam niyang hangga’t hindi siya lumalabas ay hindi ito titigil sa pagpapaingay ng sasakyan nito.

“Hi, Haidy! If someone you love hurt you, cry a river, build a bridge and get over it!” nakangiting sabi agad sa kanya ni Angelo sa pakengkoy na boses, hawak ang isang malaking teddy bear na kunwa pa’y ang stuffed toy ang nagsasalita at kumakausap sa kanya.

“Nagpapatawa ka na naman kahit alam mong hindi ako matatawa,” hindi pa nakababawi sa lungkot na kanina lang ay naradama tungkol kay Jat kaya masungit niyang naiganti sa binatang nitong huli ay nahahalata niyang tila ginagawang biro ang dumadalas na pagpapa-park ng sasakyan nito sa harapan ng kanilang bahay.

“Ito ‘yung malaking teddy bear na gusto mong mapanalunan sa shooting game noong isang araw!”

“Ows?”

“Hindi ko ma-target kaya binili ko na lang para sa ‘yo!”

“O, tapos?”

“Wala lang, gusto ko lang gawing goal na tulungan ka sa iyong struggle because I know the pain andthe  feelings of helplessness involved sa paglayo sa iyo ni Jat.”

Hayun na, nasapol ni Angelo ang kanyang manipis na damdamin kaya umiyak na naman siya nang umiyak sa harapan ng binata.

** 

NAPAGOD ang mga isip sa katatapos na kinuhang professional certification exam na may kaugnayan sa kanilang computer studies, naipasya munang maupo nina Haidy at Angelo sa isang bench sa bahagi ng Fountain of Hope ng kanilang unibersidad nang madaan doon upang magpalipas ng mga sandali.

       “Ano sa tingin mo, pagkatapos ng test na ‘yon?” excited na unang tanong agad ni Angelo kay Haidy nang kapwa ganap na silang nakaupo sa upuang batong naroroon.           

       “Well, it’s both a journey and a destination. At isa ring paraan para maipakita natin ang mga expertise natin, mapaunlad ang ating mga kasanayan at akreditasyong kinakailangan sa kurso,” may kaseryosohan namang tugon ng dalaga.

       “Sana makapasa tayo, ‘no?” anang binata, nang muling umimik nang nakangiti.

       “Oo, para makawala naman tayo sa mga sirkumstansiyang nagpalungkot sa atin nitong mga nakaraan,” tila may pinaghugutang kalamlaman ang sumunod na intonasyon ng boses ni Haidy nang sabihin iyon.

       “Nagiging seryoso na nga yata nating problema ang happiness!” pagkaraang tumawa nang malakas ay pabirong wika naman ni Angelo sa dalaga.

       “May mga bagay talagang hindi puwede, ‘no?” tila humihingi ng positibong tugon ang ipinukol niyang mga tingin sa kaklase.

       “Si Jat ba?” nakuha agad ng kausap ang nosyon ng ibig niyang sabihin.

       “Deactivated na ang Facebook account niya…” may bahagyang garalgal sa boses ni Haidy.

       “Para rin palang si Lizet…” gumuhit na rin ang lungkot sa anyo ni Angelo.

       “Si Jat pa rin ang lahat sa akin,” gusto nang bumigay ng emosyon ng dalaga.

       “Pero sinasaktan lang natin ang ating mga sarili sa pagpipilit na muling mabuo ang ating mga pakikipagrelasyon,” tila nabibikig ang lalamunan ng binata sa pakikisimpatya sa damdamin ng kaibigan.

       Hindi na napigil ni Haidy ang pagpatak ng kanyang mga luha. Nag-unahan na ang mga iyon sa pagdaloy sa kanyang mga pisngi.

       “Look, Haidy, tulad ngayon at madalas, dinadala natin ang mga bagay-bagay sa nakaraan at nasasaktan lamang tayo. Hindi na natin mababago ang mga iyon pero maaari nating palitan ang ating mga iniisip, ang ating mga buhay.”

       Change your thoughts, change your life...

       Ang ibig pang sabihin ni Angelo, tingnan niya ang buhay, kung paanong ang ulan ay nagsisilbing tulong sa pagyabong ng mga halaman sa hinaharap.

**

MAY mga tsansa ng mga thunderstorm nang umagang iyon. Pabugsu-bugso ang malalakas na pagbuhos ng ulan. Tila magtatakipsilim na ang dilim ng paligid.

            At bago pa man naideklara sa mga balita ang suspensyon ng klase sa pangkalahatan ay nakaalis na ng bahay si Haidy para pumasok. May tatapusin kasi ang kanilang grupo na isang logical circuit sa kanilang Electronics class, kung kaya kailangan niyang makarating nang maaga sa naturang subject.

            Ang masaklap, na-stranded siya sa isang bahagi ng Morayta kasama ang karamihan ng mga estudyanteng maaga ring nakaalis ng bahay papasok sa kani-kanilang mga paaralan nang araw na iyon. Doon na inabot nang pagtaas ng baha ang dalaga.

            Lalo pang bumuhos ang ulan. Lalong walang naging paraan si Haidy para makaalis sa kinalulugaran. Patuloy rin ang pagtaas ng tubig, halos hanggang dibdib na, na naging hudyat para sa dalaga upang humanap pa nang mas mataas at ligtas na lokasyon pero habang nakasunod siya sa iba pang mga estudyanteng binabagtas ang isang makitid na bahagi ng lugar na hindi pa inaabot ng baha ay nadulas ang kanyang isang paa at tuluy-tuloy siyang nahulog sa tubig pati na ang kanyang mga gamit.

            Sinikap lumangoy ni Haidy pero mabilis ang pagragasa ng tubig kaya kahit ano’ng pagsisikap niyang makalutang ay mas tinatangay naman siya sa papalayong direksyon ng agos ng baha.

            Nangalay na sa kakakampay ang dalaga, nagdilim na rin ang paningin bagama’t nauulinigan pa niya ang komosyon at mga hiyawan ng mga estudyanteng naalarma sa higit pang bumilis na pagtangay sa kanya ng agos ng tubig.

            Hanggang bago siya tuluyang mawalan ng ulirat, naramdaman niya ang matitipunong bisig ng isang lalaking niyakap nang mahigpit ang kanyang katawan at pilit siyang inilangoy patungo sa mababaw na bahagi ng kalsadang binaha.

            Hindi na matandaan ni Haidy ang mga sumunod pa roon. Basta nang magmulat siya ng mga mata nang magkamalay sa isang klinikang pinagdalhan sa kanya, ang nag-aalalang mukha na ni Angelo ang kanyang natunghayan.

            “Haidy, okey ka na? Ano ang nararamdaman mo? Sabihin mo, ano ang masakit sa iyo?” naaalarmang sunud-sunod na tanong ng binata samantalang masuyo siyang tinatapik-tapik sa mukha upang ganap na magbalik ang ulirat.

 

SUBAYBAYAN!