Skip to main content

A Piece of My Heart (Part 5)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-5 labas)

SA tulong ni Angelo, nakauwi ng bahay si Haidy nang araw na iyon. Ikinuwento ng binata sa ina ng dalaga ang nangyari sa kasagsagan ng baha.

       “Mabuti pala at naroon lang sa vicinity si Angelo nang mahulog ka sa baha kaya nasaklolohan ka agad niya,” wika ng ina ni Haidy, na bagama’t maayos naman silang nakarating ng bahay ay nasa anyo pa rin ang pag-aalaala. Inabutan sila nito ng tig-isang tuwalya upang ipantuyo nila sa kanilang mga basang katawan.

       “Nakaalis na rin po kasi ako ng bahay kanina para pumasok nang magdeklara ng class suspension,” ani Angelo na magalang na nagpasalamat sa ina ni Haidy nang abutin mula rito ang tuwalya.

       “Sige, magpatuyo na muna kayo, ihahanap ko kayo ng mga damit na pamalit. Pupunta rin ako sa kusina para maghanda ng corn soup,” may pagpapaalam sa tono ng ina ng dalaga nang pumakabila sa direksyon ng kusina.

       “Sige po, salamat po,” hatid naman ng tugon ni Angelo rito.

       “Gusto mong mag-shower? Marumi ang tubig-baha,” tanong ni Haidy kay Angelo nang ganap na silang dalawa na lamang ng kaibigan ang nasa sala.

       “Hindi na, sa bahay na lang, lulusong din naman ako sa baha, malakas pa rin ang ulan sa labas. Ngayong okey ka na, uuwi na rin ako maya-maya,” anang binata.

       “May utang na naman ako sa ‘yo,” gumuhit ang nagbibirong mga ngiti mula sa mga labi ni Haidy nang sabihin iyon.

       “Utang?” kumunot naman nang malaki ang noo ni Angelo.

       “’Yung pagsagip mo sa ‘kin.”

       “Tungkulin ko ‘yon sa kahit na sino.”

       “Lalo na sa akin?”

       “Siyempre.”

       “Paano naman ako makababayad?”

       “Stop loving Jat,” seryoso, makahulugan at matatag ang mga katagang sambit ni Angelo.

            Naghatid ng malaking kuryosidad kay Haidy ang hindi inaasahang tinuran ng kaibigan.

                                                                 **

KASAGSAGAN na ng mga final exams. Matatapos na ang first semester. Ngunit kung ikinatutuwa ni Haidy ang matuling paglipas ng mga araw at buwan sa papaikli ng panahon ng kanilang pag-aaral ay naghahatid naman sa kanya ng matinding kalungkutan ang hindi niya maunawaang pagdistansya sa kanya ni Angelo.

       Marami na ang nabago mula nang sagipin siya ng binata sa malaking baha.

       Sa klase, hindi na ito lumalapit ni tumitingin man lang sa kanya. May mga pagkakataong lalapitan niya ang kaibigan pero mabilis na itong nakaiiwas at bigla na lang itong nawawala sa kanyang paningin. Minsang labasan nila sa klase ay hinabol niya ito ng tawag ngunit lalo lamang nagmadali sa paglalakad para hindi niya maabutan. At minsan din sanang makasasalubong niya ito sa pasilyo ng Engineering building, ikinagulat niya nang basta na lang ito umiba ng direksyon.

       Sa butterfly facility na mine-maintain ni Angelo sa hardin ng mga ito, doon niya nakorner ang kaibigan nang ito ay kanyang puntahan.

       “Alam ba ng mga alaga mong paruparo kung bakit napakasungit mo nitong mga nakaraan, lalo na sa akin?” istir agad ni Haidy kay Angelo nang lapitan ang binata na nasa aktong pinalipad mula sa pagkakadapo sa bisig ang paborito nitong painted lady, isang uri ng paruparo na matatagpuan kahit saang sulok ng mundo.

       “Ikaw pala. Kumusta?” walang sigla ang tinig na lumabas mula sa bibig ng binata nang lumipat ito ng puwesto para puntahan ang alaga rin nitong monarch butterfly na nakadapo naman sa isang flowering plant na nasa loob din ng butterfly house.

       “Galit ka sa akin, hindi mo puwedeng i-deny,” aniya sa kaibigan.

       “Mali ang iniisip mo…” sagot naman nito.

       “Itinatago mo na naman ang iyong totoong damdamin.”

       “Alam mong hindi.”

       “Ikaw na nga ang maysabing there’s a lot of life to be lived.”

       “Wala naman akong binabago sa aking mga pananaw…”

       “Hindi na ikaw ang dating Angelo na kakilala ko.”

       “Bakit hindi mo muna ikonsiderang mag-isa muna sandali?

“Hindi na ako sanay na wala ka.”

 “Ako, gusto kong masanay na wala ka,” ngumiti si Angelo, mapait, mapakla.

 Ngunit blangko si Haidy sa kung ano ang nais ipakahulugan ng mga linya ni Angelo.

“Bakit gusto mong kalimutan ko si Jat?”

       “Dahil ang isang hindi magandang relasyon ay hindi na tamang sinupin.”

       “Alam mo bang lalo ko lang siyang naiisip kapag gusto ko na siyang kalimutan?”

       “Then you will be left broken, dejected and depressed.”

       “Gusto ko pa rin siyang mayakap, madama, marinig ang kanyang tinig...”

       “People change, circumstances change.”

       “Ang mga nararamdaman ko ngayon ay wala pa ring katumbas, maligaya pa rin ako sa kabila ng mahahabang pag-iisa sa malulungkot na gabi, pagluha sa bawat sandaling naaalala ko siya at ang kirot na nakatimo sa puso ko sa pagkakalayo naming dalawa…”

       “You can’t rewind the past.”

       “Hindi ko iniisip ‘yon.”

       “Pero ang mga bagay-bagay ay natural na dumadaloy sa paraang nais ng mga ito.”

       “Wala akong gustong gawin kundi ang maghintay.”

       “Paano kung hindi na siya bumalik?”

       “Paano kung bumalik pa siya?”

       Life doesn’t stop for anybody.  

       Oo, tama naman ang mga huling sinabing iyon ni Angelo. Alam naman niya iyon. Nararamdaman niya, nakikita niya. Maliwanag na maliwanag ang mga sitwasyong naglayo sa kanila ni Jat.

       Ang totoo, hirap na hirap siyang labanan ang mga sitwasyon para maka-move forward.

       Pero mapilit pa rin ang mga alaalang naroroon ang kasintahan.

       At ang pinakamahirap na bahagi para kay Haidy ay hindi ang pagbaklas sa matatamis na alaalang iyon kundi ang muling pagbubuo ng isang simula.    

       Iyon ang naging huling pag-uusap nila ni Angelo. Pagkaraan, lalo pang dumistansya sa kanya ang kaibigan. 

 

SUBAYBAYAN!