Skip to main content

A Piece of My Heart (Part 6)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-6 na labas)

UNANG araw ng enrollment para sa ikalawang semestre para sa kanilang ikaapat na taon pero nanigas na ang leeg ni Haidy sa kaaabang kay Angelo, hindi niya makita-kita mula sa agos ng mga estudyanteng paroo’t parito sa pagpapaenrol sa quadrangle ng unibersidad ang binata.

       Nag-text siya rito.. Hindi ito sumagot. Sa kung ilang beses na pagpapadala niya ng mensahe rito ay nanatiling wala siyang natanggap na tugon kaya nang mainip ay tinawagan na niya ang numero ng cellphone nito pero tanging ang pagri-ring lang ng gadget ng binata ang paulit-ulit niyang naririnig. Hanggang sa huling pagdayal niya ng mga numero ng telepono nito, out of coverage area na raw.

       Naglakad-lakad si Haidy sa bisinidad ng quadrangle. Nagbakasakaling mamataan si Angelo pero ni anino ng binata ay bigo pa rin siyang makita.

Sa carpark, isang kaklaseng lalaki rin nila ni Angelo ang nakasalubong niya at nakakita naman pala sa binata.

“Kasama si Lizet, ah!” nakangiting tugon agad ng tinanong.

“Kasama si Lizet?” napuno ng kuryosidad ang utak niya sa narinig.

“Oo, sabay raw silang magpapa-enroll, ‘yun ang sabi niya kanina,” anang kausap na sumenyas na rin nang pagpapaalam dahil naghahabol na rin daw ito ng mga requirement para sa pagpapa-enroll.

       Malayo na ang nakausap na kaklase ay hindi pa rin tumitinag si Haidy sa kinatatayuan. Naninigas ang kanyang mga paa, tila naparalisa ang kanyang buong katawan.

       Sabay raw na magpapa-enroll sina Angelo at Lizet. Pero bakit? Hindi ba’t tapos na ito at si Lizet?

Kung anuman ang ideya ni Angelo, hindi niya makuha.

Bigla, gumuhit ang kirot sa kanyang dibdib.

Lalo na nang bumalik sa isip niya ang sinabi ni Angelo noong huli sila nitong magkausap sa butterfly facility ng binata.

Gusto nitong masanay na wala na siya.     

       Ayaw isipin ni Haidy na iniwan na siyang nag-iisa ni Angelo sa gitna ng mga kalungkutan ng buhay.

`Mabibigat ang mga hakbang ni Haidy patungo sa quadrangle ng unibersidad para mag-isang magpa-enroll matapos mapag-alaman mula sa isang kaklase nila ni Angelo na magkasama ito at si Lizet.

Ngunit pagdating sa lugar ay hindi ang humabang pila ng mga estudyanteng nagpapa-enroll doon ang higit pang nagdagdag sa bigat ng pakiramdam ng dalaga, kundi ang dinatnan niyang masaya at nakahihiling pagkukuwentuhan nina Angelo at ng dati nitong nobya habang nasa hanay na rin ng mga mag-aaral na nakapila.

       Maliwanag na maliwanag na nasa harapan niya ang nakatambad na unpleasant truth.

Para siyang lalagnatin. Nakadarama siya ng negatibong reaksyon, tila dinidiktahan siya ng depresyon at hindi niya alam kung bakit.

       Bigla, nag-iba ang persepsyon niya kay Angelo. Hindi na niya mabasa ang binata, pakiwari niya’y nagiging kritikal na ito sa kanya. Malaki na ang ipinagbago nito. Hindi na ito ang dati at kaibigan niyang warm-hearted, caring and deeply sensitive. Ang taong dati’y malayang ibinibigay sa kanya ang oras nito, ang emosyon upang patawanin siya at pasiglahin.

       Bagama’t ang lahat nang iyon ay kinukontra ng kanyang isip. Ayaw niyang gumawa ng mga konklusyon. Na baka, maaari, na masyado lang siyang nagiging emosyunal at ang nakikita lang niya ay ang repleksyon ng kanyang sariling diwa. Na ang buong sitwasyon sa pagitan nila ng kaibigan ay hindi sinlala tulad ng mga naglalaro sa kanyang utak.   

       Pero ayaw magsinungaling ng sweetness ng dalawa na nakikita niya sa kanyang harapan.

       Nang hindi na niya matagalan ang nakahihiling senaryo nina Angelo at Lizet ay umiiyak siyang nagtatakbo papalayo sa quadrangle.

                                                           **

“HULING araw na ngayon ng enrollment, bakit hindi ka pa nagpapa-enroll?” Ang mababa at malamlam na tinig na iyon ni Angelo na nakatayo sa may papasok na pinto sa kanilang terasa ang nagpalingon kay Haidy at umagaw sa kanya mula sa hindi matapus-tapos na pagmumukmok dahil sa pagkakakitang magkasama ng binata at ni Lizet sa unang araw ng enrollment para sa ikalawang semestre ng kanilang ikaapat na taon sa unibersidad.

       “At ikaw, bakit ka nandirito?” angil niya sa kaibigan, halata ang malaking tampo rito.

       “Para yayain ka ngang magpa-enroll,” pagkawika niyon ay kaswal na marahang lumakad papalapit sa kanya si Angelo.   

        “Di ba nagpa-enroll na kayo ni Lizet?” di makapaniwala sa narinig, nanlalaki ang mga matang tila sumbat niya sa kausap.

       “Para namang di mo alam na di na tayo puwedeng lumipat ng section kung hindi rin lang valid ang dahilan.”

       “Pero nilinaw nang nakita ko na you don’t care…”

       “Ginawa mo namang big deal ‘yung nakita mo.”

       “Alam mong hindi nawawala sa akin ang ganoong pakiramdam, madali akong maka-relate sa pain, being abandoned…” at nagsimula na namang mamasa ang kanyang mga mata.

       “Bakit, hindi ba’t madalas at higit sa lahat, kapag tinatanong mo ang sarili mo kung sino’ng tao sa buhay mo ang may halaga sa iyo, di ba’t ako lamang iyon na mainit na ginagagap ang iyong mga palad?” humarap sa kanya si Angelo, masuyong pinisil ang kanyang maliit na ilong.

       Ang lahat nang iyon ang pumalis sa malaking tampo niya sa binata.

       Mahaba na naman ang pila ng mga nagpapa-enroll na estudyante sa huling araw na iyon ng enrollment, pero ang higit na mahalaga, kaklase pa rin niya ang taong nagbibigay sa kanya ng total freedom upang maging siya.  

At sa unang araw ng pasukan para sa ikalawang semestre, kapwa masasaya sina Haidy at Angelo. Ang kasalukuyang semestre kasi ang pinakahuli na nilang semestre sa College of Engineering ng kanilang unibersidad.

Bagong mga pagsubok, exciting na mga oportunidad, idagdag pa ang kanilang di masukat na tuwa sa resulta kamakailan ng pareho rin nilang pagpasa sa professional certification exam na may kaugnayan sa kanilang computer studies.

Samantalang magkasabay na papasok sa campus ng unibersidad, nagbiro si Angelo na gusto nitong gumawa ng bucket list bilang isang graduating student.

“At tulad naman kaya ng ano?” sakay ni Haidy sa mood trip ng binata.

“Have a best friend with benefits!” sabay tawa nang malakas ni Angelo pagkatapos.

“Parang wala namang kaugnayan, ah?” kunot-noong sabi niya.

“Do you think anyone else has the incredible friendship we do?” makahulugang sambit ng binata saka seryosong tumitig sa kanya.

“Klaruhin mo ‘yan, naiintriga ako,” nanlalaki ang mga matang biglang buwelta niya sa kausap.

“’Yun nga, ‘yung magwa-wind up turning into romance!”

“Buti pa, huminto muna tayo, tapos, linawin mo sa akin ang lahat nang mga sinasabi mo, okey?” pigil niya kay Angelo sa paglalakad bago pa sila makalapit sa pinakaentrada ng Engineering Building.

“Hindi ko na kasi ma-ignore ang atraksyon ko sa iyo…” mahina, mabagal ngunit buung-buong wika ng binata, kitang-kita ang ningning mula sa kislap ng itiman at bilugang mga mata.

Hindi siya agad nakapagsalita sa narinig. Aminado siyang nabigla sa sitwasyon, sa cultural shift na maaaring kahantungan ng pagiging magkaibigan nila ni Angelo.

Ngunit nais din niyang magdesisyon upang matuklasan at mabigyang-depinisyon ang mga araw na magdaraan na may kinalaman sa kanyang thoughts and feelings para sa lalaking may increasingly similar rights, opportunities at mga interes na katulad ng sa kanya.  

Hindi na niya matandaan kung gaano katagal nag-usap ang mga mata nila ni Angelo nang mga sandaling iyon.

 

 

SUBAYBAYAN!