Skip to main content

A Piece of My Heart (Part 7)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-7 labas)

MULI, bumalik ang koneksyon ng mga bagay-bagay na para kina Haidy at Angelo ay mahihirapan silang makasanayang wala.

       Higit na ipinadama sa kanya ng binata kung gaano siya kaespesyal dito—mula sa mga simpleng pagpuri, harmless flirts, mga komento, maliliit na bagay ngunit dama niya ang malalalim na kahulugan. Tulad nang dati ay naging problem-solver niya ang kaibigan at higit pang pinagkatiwalaan samantalang ine-enjoy ang pakikipag-share niya rito ng kanyang mga personal thing at mga bagay na paboritong gawin.

       “Yes, totoo, Haidy. Ikaw ang unang-unang babaing kinakitaan ko ng mga sorpresa at tanging nilalang na kinadamahan kong lalo akong magiging isang mabuting indibidwal,” nakangiti at may kislap sa mga matang sabi sa kanya ni Angelo pagkaraang kapwa sila umahon sa dagat matapos tuwang-tuwang mag-surfing at makipaghabulan sa malalaking alon. Naglalakad na sila ng binata sa mabuhanging dalampasigan.     

“At ikaw, palagay ko, marami ka pang special gifts na puwedeng i-offer sa akin!” aniya naman sa kaibigan at pagkatapos ay pareho silang natawa nang malakas.

       “More than life itself, Haidy!” mabilis namang sagot nito.

       “Talaga lang, ha?” istir niya kay Angelo.
       “Di ka pa rin ba naniniwala?” kumunot ang noo ng binata.

       “Noong iniligtas mo ako sa baha, puwede! Pero tungkulin mo ‘yon, ha?” sabay hagikgik naman niya pagkaraan.

       “Well, ako naman ay gusto ko lang maging mabuti sa iyo. I want to take you away from everything that makes you unhappy. Gusto kong ikaw ay maging empirically attractive!”

       “Gusto mo rin bang bigyan kita ng legal right na mahalin ako?”

       Nakita niya ang halu-halong emosyon ng tuwa at sorpresang gumuhit sa mukha ni Angelo sa narinig mula sa kanya, totoong hindi iyon inaasahan ng binata.   

       “Sinasabi mo na ba talaga iyan sa akin?” hindi pa rin makapaniwalang tanong nito sa kanya.

“Oo at gusto kong i-consider mo!”

       It must be difficult to let go of something so beautiful…

       At para sa kanila ni Angelo, ito na ang tamang panahon.

                                                               ** 

HINDI na maikakaila ang atraksyon sa mga pagitan, pormal nang tinanggap ni Haidy ang pag-ibig ni Angelo. At para sa kanila, wala nang kailangan pang kapaliwanagan para sa kanilang mga nadarama.

“Masaya ka?” napupuno ng galak ang dibdib na tanong ni Angelo kay Haidy nang masuyong kunin ang mga palad ng dalaga at mahigpit na gagapin ang mga iyon, kapwa nakayapos ang kislap ng kaligayahan sa kanilang mga mata.

        “Very happy!” mabilis na tugon ng dalagang tapat ang mga ngiting gumuhit sa mapupulang labi.

       “Ako, nang sabihin mong mahal mo ako, nasa iyo na ang puso ko,” anang binata nang pakatitigan pa nang malagkit ang dalaga.

       “The way you make me feel, mahirap ipaliwanag,” ani Haidy.

       “Basta sa aking mga pag-iisa, ikaw pa rin ang iiisipin ko.”

       “Marami pa rin akong mga insekyuridad, maaari akong magkamali.”

       “Alam mong hindi ako perpekto pero lagi naman kitang napatatawa.”

       “Di ba hindi naman tayo nagmahal dahil sa pagiging perpekto, kundi nagmahal tayo sa kabila ng mga imperpeksyon?”

       “I love you, Haidy. Mahal na mahal kita.”

       “Just promise me you’ll stay, Angelo.”

       Tumango nang buong katapatan ang binata, katulad ng paglinang at pagdakila sa espiritwal na koneksyong umusbong mula sa paghahandog ng sinseridad, respeto, kabaitan at apeksyon sa babaing minamahal.

       Ang pagdadaop na iyon ng kanilang mga palad ang simula.

       At para sa kanila, ang pag-ibig sa isa’t isa ang kanilang destinasyon.

 

SUBAYBAYAN!