Skip to main content

Prinsesa Raketera (Conclusion)

Nobela ni KC CORDERO

(Huling labas)

TILA nagkaroon ng pagkailang sa isa’t isa sina Smash at Princess matapos ang guestong ng binata sa show na iyon, and for quite some time ay nawalan sila ng komunikasyon. Ang mga kontrobersya ay parang lumikha ng isang unseen wall sa pagitan nila. Nag-try ang binata na i-text ang dalaga o tawagan pero walang reply. Ayaw na rin niyang dalawin muna ito para makaligtas sa tsismis ng mga kapitbahay.

Nagtrabaho si Smash sa TV network bilang CPA na walang suweldo kundi allowance lang. Okey na rin iyon sa pamilya nila kaysa naman makasuhan pa siya ng breach of contract.

Tuwing hapon after office hours ay tumatambay siya sa coffee shop kung saan sila unang nagkuwentuhan ni Princess. Ewan ba niya, lagi siyang dinadala ng mga paa niya sa lugar na ito. Sa dating puwesto at table nila noon. Habang nagkakape ay hawak-hawak niya ang paper placemat na ginawa nilang comics strip habang nagre-reminisce ng kanilang masasayang sandali.

Nagba-browse din siya sa Facebook sa kanyang tablet. Madalas niyang tingnan ang account ni Princess. As usual ay walang updates, maliban sa mga beads, T-shirts and artworks.

Bahagyang napakunot-noo si Smash. May naramdaman siyang kakaiba. Napatunghay siya. Tumingin sa labas ng coffee shop.

Nagulat siya sa nakita...

Si Princess!

Tinitingnan nito ang mga posters na naka-display sa salaming dingding ng shop.

Dali-dali niyang hinagilap ang mga gamit at lumabas. Eksaktong papaalis na si Princess nang makalabas siya. Tinawag niya ito.

“Princess!”

Napahinto muna ang dalaga sa paglalakad. Matagal. Kapagkuwa’y lumingon. Ilang metro ang layo, nasa harap niya ang lalaking unang gumambala sa noon ay inosente pa niyang puso.

“K-kumusta?” nanginginig ang boses ni Smash.

Nate-tense pero nagpilit namang maging kalmado ni Princess. “Heto, balik-eskuwela...”

Saka lang napansin ni Smash na naka-school uniform ng isang state university ang dalaga.

“Ang inay mo... si Patrick, kumusta?”

“Nakapag-abroad si Inay, isinama ng isang kliyente niya sa massage bilang alalay. Kaya ako nakakapag-college pero tuloy pa rin ang mga raket ko. Nakapasa naman sa scholarship si Patrick pero ayaw na niya sa barko. Idol ka raw niya kaya accounting din ang kinuha.”

Natawa si Smash. “At ikaw... fine arts pa rin?”

“Oo naman. Mahirap kalimutan ang first love.” Pagkasabi niyon ay namula ang pisngi ng dalaga dahil baka bigyan ni Smash iyon ng ibang kahulugan.

Nasa kanyang element na si Smash. Gumagana na ang sense of humor. “Mahirap talagang kalimutan ang first love. Hindi nga kita nakakalimutan, eh.”

Napayuko si Princess. “Chos...” nasambit na lang niya. “Hindi naman ako ang first love mo.”

“Bagay sa ‘yo ang uniform mo. Lalo kang gumanda.”

Kinilig ang dalaga pero hindi nagpahalata.

Lumapit sa kanya si Smash. Halos magdikit ang mga katawan nila. Nalanghap niya ang pamilyar na perfume nito. Ang presence at karisma na sapat para bihagin siyang muli.

“I’m sorry, Princess. Sana napatawad mo na ako,” anito.

“Napanood ko ang interview sa ‘yo. Hanep ka, ha? Pinaiyak mo ako. Gustung-gusto mong pinaiiyak ako, ano?” inirapan niya ito. “Best actor! Piolo Pascual ang peg!”

Pinisil siya ni Smash sa kamay. “I miss you, Princess. I miss you...”

Tinitigan niya ito. Iyon pa rin ang pares ng tsinitong mata na humihipnotismo sa kanya. “Ako rin, na-miss kita. Ni hindi ka nagte-text.”

“Nagte-text ako di ka nagre-reply. Di ka rin sumasagot pag tumatawag ako.”

“Ay!” nasapo ni Princess ang bibig. “Wala na nga pala ‘yung phone kong antique, nabasa nang bumaha sa lugar namin. Iba na ang number ko!”

Nagkatawanan sila.

“Coffee or Tapioca?” alok sa kanya ni Smash.

“Kahit ano,” sagot niya—na sa isip ay sinundan niya ng, “Basta kasalo ka.”

“Marami tayong dapat pag-usapan,” si Smash. “At simulan...”

Tumango si Princess. Bakit nga ba kailangang dayain pa nila ang kanilang mga damdamin?

Nang maglakad sila, magka-holding hands na silang muli.

 

WAKAS