Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 1)

Nobela ni KC CORDERO

(Unang labas)

SOBRA na ang pagmamadali ni Princess na makauwi. Kahit hate na hate niya ang magtaksi dahil lagi niyang sinasabi sa isip na mababawasan ang kanyang “kayamanan” ay mukhang hindi siya makakaiwas ngayon. Kung bakit naman kasi sa sobrang sosyal na lugar na iyon pa nakipag-meet up ang kanyang client—na wala na ngang pedicab o traysikel ay bawal pa ang dyip sa mall area. Kung maglalakad naman siya papunta sa sakayan ay masyadong mainit, mato-toast ang kanyang byuti. Ang dami at ang bigat pa naman ng mga dala-dalahan niya.

Kaya nang may nag-stop na white na kotse sa tapat niya, may bumabang magandang babae na matangkad mula sa passenger seat ay agad niyang hinagip ang kanyang mga “kayamanan” na nakabalot sa dalawang malalaking plastic bags. Binuksan niya ang pintuan sa likod, inihagis doon ang dalawang plastic bags, isinara ang pinto, binuksan ang pinto sa may passenger seat at ibinagsak ang katawan para maupo dahil sa sobrang pagod.

Sumandal siya sa upuan at bahagyang napapikit sa sarap na naramdaman mula sa air-conditioning unit ng sasakyan na may sobrang gaan sa ilong na amoy ng air freshener.

“Mama...” aniyang ni hindi tumingin sa driver, “sa may Sta. Ana po tayo. Sa may Plaza Hugo.”

Umandar ang sasakyan. Inilabas ni Princess ang kanyang cellphone at nagpunta sa calculator. Kinuwenta niya ang kanyang kinita. Napangiti siya. Malaki-laki rin. Medyo mababawasan nga lang ng pantaksi. But what the heck, anang isip niya. Paminsan-minsan ay kailangan din ng katawan niya ng comfort.

Isinandal niyang muli ang likod at batok sa malambot na upuan ng sasakyan at pumikit. Sa isip niya ay sumabay siya sa mahina pero napakaganda ng tunog na stereo system ng sasakyan na kasalukuyang nagpe-play ng kanta ni Gloc 9.

Napasulyap naman sa kanya ang “driver” ng “taxi”—na hindi maiwasang mapangiti.

Nalibang si Princess sa pagsabay sa mga kanta, well, sa isip lang naman niya at hindi siya actually bumibirit, mula sa FM station kung saan naka-tune in ang car stereo. Gustung-gusto niya ang bass system niyon, parang hindi pantaksi. Maya-maya mula sa kanyang backpack ay kinuha niya ang kanyang notebook, literal na writing notebook na pang-elementary, hindi mini laptop o tablet, at sinilip ang listahan ng kanyang “business clients”. Nilagyan niya ng check ang iba, ang ilan naman ay nilagyan ng note, asterisk o symbols na siya lang ang nakakaintindi. Inilabas din niya ang kanyang cellphone at nagpunta muli sa calculator. Nag-mathematics. Ang mga nako-compute niya ay inililista niya sa notebook.

Pasulyap-sulyap naman sa kanya ang “taxi driver”. Hindi nawawala sa mukha nito ang pagkakangiti.

Maya-maya pa ay natanaw na niya ang simbahan.

“Iikot lang po ninyo nang konti diyan sa may plaza, tapos doon ako bababa sa tapat na may vulcanizing shop,” utos niya sa nagmamaneho.

Sumunod naman ito sa sinabi niya. Eksaktong inihinto siya sa sinabi niyang puwesto.

Kinapa ni Princess ang kanyang wallet. Tumingin siya sa may dashboard ng kotse. “Magkano po ang—”

Hindi niya naituloy ang sasabihin.

Napakunot ang noo niya.

Walang metro ang “taxi” na sinakyan niya.

At nang sulyapan niya for the first time ang “taxi driver” na nagmamaneho ng sasakyan, muntik nang mapalipat ang puso niya sa kanang bahagi ng kanyang dibdib.

Hindi ang tipikal na anyo ng isang Pinoy taxi driver ang nakita niya kundi isang tila bidang lalaki sa mga teen serye! Naka-plain white T-shirt, khaki shorts at rubber shoes. Ang mamahalin nitong sunglass ay hindi sa mata nakatakip kundi sa may likod ng tainga nito. Alanganing ngingiti ito na hindi habang nakatitig sa kanya ang makalaglag-undies na chinito eyes nito.

Hindi siya makapagsalita kahit alam niyang nakabuka ang bibig niya. Iginala niya ang paningin sa loob ng kotse. Hindi iyon mukhang taxi. Binuksan niya ang pinto at sinilip kung may markings ang body ng sasakyan. Wala. Makinis na makinis iyon.

Saka nag-sink in kay Princess ang realization—private car iyon at hindi taxi.

At bakit siya isinakay ng heartthrob na ito?

 

SUBAYBAYAN!