Prinsesa Raketera (Part 13)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-13 labas)
CHARMED life. Kung ide-describe ang buhay ni Smash ay sa ganoong kategorya siya babagsak. Parehong galing sa buena familia ang kanyang ama’t ina. Sa ngayon ay involved ang mga ito sa livestock business. Dealer sila ng karne ng manok at baboy sa malalaking gorcery stores sa bansa.
Bunso siya sa kanilang magkakapatid. Twenty-two years old siya at tapos ng kursong accounting. Actually, certified public accountant na siya dahil two months ago ay kapapasa lang niya sa board exams, though wala pa siyang planong magtrabaho or tumulong sa kanilang family business. Mas gusto niyang maging ramp or commercial model.
He has the looks, and the height naman para sa pangarap niya. Five feet ten inches ang taas niya. May pagka-Spanish-Chinese ang features niya na namana raw niya sa parents ng kanyang ama. Hindi siya nagdi-gym dahil basketball lang ang pinaka-workout niya pero toned ang muscles niya. Sabi nga ng mga kaibigan niyang nagpapakamatay sa gym para lang magkaroon ng abs at pande-pandesal na muscles, physically gifted siya. Araw-araw naman siyang tumatakbo sa treadmill para hindi siya magkaroon ng tiyan dahil at his age, medyo malakas siyang kumain—lalo na pag sisig ang ulam.
Sa ngayon ay isa siya sa mga baguhang talent ng isang malaking modelling agency sa bansa. May mangilan-ngilan na siyang print modelling stint, pero wala pang masasabing big time talaga na product endorsement. Kung anu-ano lang ang naee-endorse pa niya pero ganoon daw talaga sa simula. And he’s not in a hurry naman dahil nabibigyan pa siya ng allowance ng parents niya. Alam din niyang siya na rin ang magmamana ng malaking bahagi ng kanilang family business—kaya nga accounting ang kinuha niya. Sa ngayon, gusto lang muna niyang i-enjoy ang buhay na wala pang responsibilidad.
Tatlo silang magkakapatid. Ang Kuya Wilmar niya na panganay ay kapitan sa barko at may asawa at mga anak na. Ang Ate Tepai niya ay English professor sa isang reputable university. Wala pa itong balak mag-asawa dahil gusto munang matapos ang PhD nito. Kapisan pa rin nila ito sa bahay, at pag tinatamad itong magmaneho ay siya ang ginagawang chauffeur –gaya kanina.
Dumiretso siya sa kanilang kitchen pagkapasok sa bahay. Kumuha siya sa ref ng bote ng paborito niyang iced tea at uminom. Sinimulan niyang buklat-buklatin ang notebook.
Na-curious siya nang todo sa mga laman niyon. Para palang business ledger-slash-diary iyon ng pretty girl na naisakay niya—na batay sa mga nababasa niya ay Princess ang pangalan. May listahan ng mga clients, Manga artworks, may mga quotes, may design ng bracelets, earrings at eyeglasses chain, thumbnails ng T-shirt design. Sa tapat ng pangalan ng marahil ay mga client nito ay may nakasulat kung minsan na “kuripot” (marahil ay pag makunat singilin), “yaman ni Madam”—na naisip niyang mabilis sigurong magbayad. Meron din namang may note kung sinu-sino pa ang may utang, at deadline kung kailan dapat maihatid ang order na merchandize.
May mga doodles din ng parang magsyota na ang babae at lalaking karakter ay parang komiks na may dialogue balloon. Isang particular na doodle ang nagpangiti sa kanya.
Sabi ng lalaking karakter sa babae: “Alam mo ba, noong elementary pa ako, madalas akong patayuin ni Ma’am sa gitna ng klase. Doon na nagsimulang maimbento ang linyang ‘center of attraction’!”
Ang karakter na babae naman sa doodle ay kunwari’y nagsuka.
SUBAYBAYAN!