Prinsesa Raketera (Part 17)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-17 labas)
NAGULAT si Smash nang sa halip na matuwa si Princess sa pagsosoli nito ng notebook ng dalaga ay nagpakita pa ng katarayan.
Pinilit ng binata na ngumiti. “Tutuloy na ako. Sorry kung naging inconvenient sa iyo ang pagkawala ng notebook mo, ha? Thanks...”
At tumalikod na ito.
Hinabol ito ni Princess ng tingin. Parang may nagsasabi sa kanyang tawagin ito at magpasalamat, pero para na siyang naestatwa. Hindi niya naibuka ang kanyang bibig at nawalan na ng boses para pigilan ito sa pag-alis.
Nang wala na ito sa kanyang paningin, napatitig siya sa kanyang notebook. Sa sobrang tuwa ay napatili siya nang malakas—na ikinagulat ng puppy na nakahiga sa ilalim ng kanyang mesa kaya napatahol ito nang sunud-sunod.
Ang lakas ng naging tawa ni Princess sa reaction ng nagising na tuta.
**
EPIC fail.
Iyon ang pakiramdam ni Smash habang malungkot na nagmamaneho paalis sa lugar nina Princess. Hindi niya inakala na sa ganito mapupunta ang naging pagkikita nilang muli ng pretty girl.
Akala niya, magpapasalamat ito nang todo, matutuwa, aalukin siyang uminom kahit maliit na bote lang ng softdrinks. Magkakakuwentuhan, magpapalitan ng mobile numbers at siguro ay kung hanggang saan pa mapupunta ang kanilang pagiging BFF kung sakali.
Ilang araw na siyang nagtataka sa sarili. Dati-rati ay hindi naman siya naku-curious sa isang babae. Nagkaroon na siya ng ilang relationships na ang mga naging ex-girlfriends naman niya ay hindi ginulo nang todo ang kanyang isip. Mula nang magkamali ng pagsakay sa kanya si Princess, parang isa itong makulit na pop out sa internet na laging lumalabas every time na magba-browse siya ng web page.
And to think na nag-effort siya na hanapin ito!
Nagbalik siya kanina sa lugar kung saan niya ito ibinaba na may vulcanizing shop. Nagtanung-tanong siya hanggang sa makarating sa barangay hall na nakasasakop sa bahay ng mga ito. Hiningan pa siya ng nakausap niyang barangay tanod na kapitbahay raw ni Princess ng one hundred pesos na pansigarilyo (at babantayan na rin daw ang kanyang kotse) bago nito itinuro ang tirahan ng dalaga.
At ito lang ang napala niya. ito lang! Ang mapagsungitan.
Ang konsolasyon niya, at least ay nagpasalamat ang pretty girl.
Parang biglang nakaramdam ng uhaw si Smash sa sobrang sama ng loob. Nang may madaanan siyang burger house ay tumigil muna siya para mag-iced tea. Nang maka-order na ay napabuntunghininga siya matapos makalagok ng malamig na tsaa.
Pretty talaga siya, bulong ng isip niya. Kanina nang makita niya ito, hindi niya alam kung bakit punung-puno ng happiness ang kanyang puso. Para bang ang liwa-liwanag ng paligid. Hindi rin niya mae-explain kung bakit sobrang bilis ng tibok ng puso niya nang magkaharap na sila.
Kung noong mga nakaraang araw ay lagi lang sumusulpot sa isip niya sa Princess, pakiramdam niya ay naging wallpaper na ito ng isip niya—na forever nang naka-display sa diwa niya ang magandang mukha.
At alam ni Smash, posibleng magkaroon siya ng migraine hangga’t hindi niya naso-solve ang isang puzzle na kung tawagin ay Princess.
Inubos niya ang kanyang iced tea at umuwi na. Habang nagmamaneho, napapasulyap siya sa upuan kung saan pumuwesto si Princess noong isang araw. Para tuloy niyang naalala ang lyrics sa kantang “Passenger Seat” ng bandang Stephen Speaks:
“And I've got all that I need
Right here in the passenger seat
Oh, and I can't keep my eyes on the road
Knowing that she's inches from me...”
Samantala, sa isang bahagi ng mundo ay may isa ring nilalang na gaya ni Smash ay naglalakbay ang isip.
Si Princess...
SUBAYBAYAN!