Prinsesa Raketera (Part 18)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-18 labas)
NANG makaalis si Smash ay agad siniyasat ni Princess ang kanyang notebook. Una niyang nakita ang nakaipit na two hundred pesos na maingat na naka-secure sa paper clip. Wala namang nabawas sa mga pages. Sa kabubuklat niya, may napuna siya.
May nakadikit na picture sa isang pahina—katapat ng photo ni Daniel Padilla na ginupit niya noon sa isang tabloid.
Kumunot ang noo niya at tinitigang mabuti ang photo. Muntik na siyang mapabunghalit ng tawa nang malaman na picture pala iyon ng lalaking nagsoli sa kanya ng notebook.
Minasdan niya iyon nang todo.
Cute, anang isip niya. Para siyang hini-hypnotize ng chinito eyes nito. At naisip niyang may kapilyuhan din palang taglay ang kumag para magdikit pa ito ng sariling picture sa kanyang notebook. Now that’s invading her private domain—o isang vandalism—pero dahil papa material naman ito, forgiven.
Muli niyang minasdan ang picture. Parang pamilyar. Posibleng nakita na niya ito bago pa siya nagkamaling sumakay sa kotse nito. Minasdan niyang mabuti. Pamilyar talaga. Pero hindi niya ma-recall kung saan ba niya nakita.
May nakasulat sa ilalim ng picture, handwritten na maliliit lang. Inilapit niya iyon sa mga mata niya. Mobile number. Hindi niya sulat-kamay iyon kaya tiyak na ang kumag na heartthrob ang nagsulat niyon.
Napangiti si Princess.
Sadya ba itong nag-iwan ng phone number?
Kung kasama ang number sa layout ng photo nito, iisipin niyang hindi intentional iyon. Pero kung nag-iwan ito ng number, ano kaya ang ibig sabihin?
Well, ayaw na niyang maging assuming. Pero nang bumalik na sa normal ang lahat sa kanya at ma-recollect niya ang kanyang good moral and right conduct ay naisip niyang dapat siyang magpasalamat sa heartthrob na ito in a very proper way. After all, napakabait nito para isoli ang kanyang pamasahe at notebook.
Napapitlag naman si Smash sa pagmumuni-muni habang nagmamaneho nang biglang tumunog ang kanyang smartphone. Dinampot niya iyon. Text message. Wala sa kanyang contacts ang nag-text kaya number lang nito ang nakarehistro.
Ang nilalaman ng mensahe: “TY :)”
Bumilis ang tibok ng puso ni Smash. Agad niyang kinabig ang manibela para ipasok ang kotse sa nadaanang drive way ng isang fast food. Nang makapag-park ay matagal siyang napatingin sa message.
Si Princess kaya ito?
Tutal ay naka-line naman siya, tinawagan niya ang number. Nag-ring ng dalawang beses bago nag-busy. At ang narinig niya ay ang computer prompt na: “The subscriber cannot be reach...”
Sinubukan niya uling tawagan. Ganoon pa rin. Nakailang tawag siya na ganoon lang lagi ang naririnig niya.
Frustrated na nagpasya siyang dumiretso na ng uwi. Not his lucky day, anang isip niya.
Samantala, kinagagalitan naman ni Princess ang kanyang cellphone. “Tumatawag na nga siya saka ka naman nag-low batt. Ang tagal mo pa namang i-recharge! Hindi ka rin naman wrong timing, ano!”
Inis na kinuha niya ang charger at kinargahan muna ang kanyang cellphone.
Nang makarating sa kanila ay ilang beses pang nag-try tumawag si Smash. Hindi pa rin niya makontak ang number.
Sa kanilang bahay naman, naka-sad face si Princess habang minamasdan ang sobrang bagal na pagta-charge ng kanyang cellphone.
“Bilisan mo ang charging, ha?” parang tao ang kaharap na pakiusap niya sa cellphone. “Baka nag-reply na siya.”
SUBAYBAYAN!