Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 2)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-2 labas)

NAGULAT si Princess na walang metro ang sinakyan niyang “taxi”. Wala ring markings sa body. At hindi mukhang taxi driver ang guwapong nagmamaneho. Saka nag-sink in sa kanya ang isang realization—private car iyon at hindi taxi.

At bakit naman siya isinakay ng heartthrob na ito?

Baka rapist ang walanghiya, naisip niya. Baka pagsamantalahan siya! Napakaraming baka...

Sinalakay siya ng takot. Bigla siyang nanginig.

Nagmamadaling kumuha siya ng two hundred pesos sa kanyang wallet (kahit masakit sa kanyang kalooban dahil malaking kabawasan iyon sa kanyang kayamanan) at ipinatong sa dashboard. Hinagilap niya ang kanyang mga plastic bags at nagmamadaling lumabas ng kotse at nagtatakbo palayo roon. Hindi na niya isinara ang pinto.

“Miss, wait!” sigaw sa kanya ng lalaki.

Pero hindi na lumingon si Princess. Ang gusto niya’y makalayo na agad doon at baka isakay uli siya ng lalaki at pitasin ang kanyang iniingat-ingatang puri!

Humihingal si Princess nang maipasok sa kanyang maliit na kuwarto ang dalawang plastic bags. Usually, kapag galing siya sa kanyang mga “business transactions” ay hindi muna niya ipinapasok ang kanyang mga produkto. Iiwan muna niya sa kanilang maliit ding salas para doon butingtingin maya-maya. Usually din, titingnan niya kung may kaning lamig sa kaldero at kung may natirang ulam sa may mesa nila. Pero ngayon ay gusto muna niyang magkulong sa kanyang kuwarto at baka sumunod sa kanya ang lalaking naghatid sa kanya. Gusto niyang matiyak ang kanyang safety. Ini-lock niya iyon at nakiramdam kung may magpapa-tao po sa kanilang pintuan.

Wala naman...

Makalipas ang halos kalahating oras at nang matiyak na hindi nga sumunod ang lalaki sa kanya, parang sobrang pagud na pagod na ibinagsak niya ang katawan sa kanyang folding bed. Napatingin siya sa kanilang yerong bubong.

Matagal...

Saka siya napahalakhak nang maalala ang insidente. Ang tanga ko, sigaw niya sa isip. At muli siyang napahalakhak.

Bumangon siya at lumabas ng kuwarto para tingnan kung mayroon siyang puwedeng kainin. Hindi niya maiwasang mapangiti nang maalala ang porma ng “taxi driver.”

“Cute siya, huh!” naisatinig niya. “Papa material. Sana hindi bakla!” Muli siyang napahalakhak.

At magana niyang kinain ang kaning lamig na dinatnan at ang natirang ulam ng kanyang ina at kapatid na isang pirasong lumpiang toge na may sawsawang maanghang na suka. Paminsan-minsan, sa pagitan ng mga pagsubo ay pumapasok sa isip niya ang imahe ng guwapong napagkamalan niyang taxi driver. May pagkapasaway rin naman ang kumag, sa isip-isip niya. Hindi man lang sinabing hindi taxi ang kotse nito para hindi naman siya nagmukhang eng-eng kanina. Napalaki pa tuloy ang “ibinayad” niya.

Napangiwi siya nang maalala ang two hundred pesos na iniwan niya sa dashboard. Malaki-laki na rin iyon para sa kanya. Nakaramdam siya ng panghihinayang. Napangiti siya nang maisip na tutal ay tatakbo rin lang siya kanina, sana pala ay hindi na siya nagbayad.

Huminga siya nang malalim. Oh, well, papel... sabi nga ng mga jologs. Mabuti na ang walang dinadalang guilt dahil digital na raw ang karma ngayon—mabilis nang dumating.

Tinapos niya ang pagkain para makapagsimula na rin siya sa kanyang mga raket.

 

SUBAYBAYAN!