Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 25)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-25 labas)

SINITA ni Princess si Smash dahil sa ginawa nitong pagdidikit ng picture sa notebook niya.

“Feeling mo magkasing-cute kayo ni Daniel Padilla, gano’n?” kunwa ay mataray na tanong ni Princess sa binata.

Naidikit na ni Smash ang cup ng kape sa mukha sa pagpipigil matawa. “Sorry talaga. I don’t know. Siguro makulit lang talaga ako kung minsan. Sana hindi ka na-offend, ha? I know it’s your personal thing na medyo na-vandalize ko.”

Hindi siya sumagot. Kyut na kyut sa kanya ang expression ni Smash na pinipilit pigilan ang pagtawa.

Paghigop niya ay eksaktong naubos na niya ang kape. Tumingin siya sa clock ng kanyang cellphone.

“Naku, kailangan ko nang umuwi,” paalam niya kay Smash.

“Ihahatid kita.”

“Huwag na. Sobra-sobra nang abala ang nagagawa ko sa ‘yo,” tanggi niya.

“Bakante ako hanggang gabi,” ani Smash at inubos ang sariling kape. “Ihahatid na kita para hindi ka na mahirapang mag-commute.”

Wala na siyang nagawa. Sa isang sulok ng isip niya ay sinasabi niyang sana ay huwag siyang sanayin ni Smash sa ganito.

Baka kasi hanap-hanapin niya...

Sa kotse ni Smash ay hindi na sila masyadong nag-usap. Medyo focus ito sa pagmamaneho at siya naman ay nag-e-enjoy sa masarap sa taingang tunog ng car stereo nito. Ang bass and treble system ay parang dinadala siya sa ibang mundo. Natatandaan niya na dati ay nakabili ng secondhand na stereo component ang kanyang ama. Gustung-gusto niya ang tunog niyon. Napilitan nga lang silang ibenta nang minsang kapusin na sila nang todo.

Pagdating sa kanila ay hindi niya malaman kung yayayain sa loob ng kanilang bahay si Smash o hindi na. Matagal nagtalo ang kalooban niya bago nasabi rito ang gustong sabihin.

“Salamat, Smash. Salamat din sa napakasarap na kape. Sorry pero hindi muna kita mayayaya sa bahay, ha? Wala pa kasi si Inay.”

“Okey lang,” may kinuha si Smash sa upuan sa likod ng kotse. Nakalagay iyon sa plastic bag ng isang kilalang bookstore. “Para pala sa ‘yo.”

Nagulat siya. “O, ano ito?”

“Basta...”

“Smash—“

Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil bumaba na ito ng kotse at ipinagbukas siya ng pinto. Bumaba siya na hawak sa kamay ang ibinigay nito.

“Ingat, ha?” anito sa kanya.

“S-sige...” hindi na niya masalubong ang tingin nito. “Salamat uli. At thank you rin dito kung anuman ito.”

“Magugustuhan mo ‘yan,” kumislap ang mga mata ng binata. “O, paano... tutuloy na ako.”

“Okey. Ingat ka rin.”

Sumakay na ito at bago lumarga ay ikinaway ang kamay sa kanya mula sa bintana ng kotse.

Pumasok agad siya sa bahay at nagkulong sa kanyang kuwarto. Nakasapo ang mga palad niya sa kanyang mukha. Paminsan-minsan ay sinasabunutan niya ang sarili.

Ano itong karanasan na ito na nangyayari sa kanya? Huminga siya nang malalim at tumingin sa bubong. Image ni Smash ang nakikita niya roon. Ang pilyong ngiti, ang nang-aakit na mga mata, ang katawan nito na sa sobrang laki ay para bang malulunod siya kung yayakapin siya nito—at ang napakaseksing amoy ng pabango nito na sobrang macho ang dating sa kanyang sense of smell.

Kinuha niya sa bulsa ang tissue paper na iniabot nito kanina at ipinampahid sa kanyang luha. Bahagyang sinamyo niya iyon. At tama siya, nakadikit doon ang scent ng pabango ni Smash.

Napangiti si Princess. Isang conclusion ang ibinato niya sa sarili.

For the first time at sa napakaikling panahon, todo-todong nai-in love siya!

Bumangon siya. Binuksan ang plastic bag na iniabot sa kanya ni Smash kanina. Nagulat siya sa mga laman niyon.

Hindi siya makapaniwala!

 

SUBAYBAYAN!