Prinsesa Raketera (Part 29)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-29 na labas)
HINDI nakasagot sa ina si Princess nang sabihin ni Aling Zeny na sobrang close agad siya kay Smash.
“Mukhang mayaman,” tiningnan siya ng ina sa mata.
Napayuko si Princess. “Mamaya ko na ikukuwento, Inay. Sorry po.”
Binuksan ni Smash ang TV. “And finally!” bulalas ng binata. Lumingon ito sa kanila. “Ano’ng channel ang gusto n’yo.”
Ang maganda lang sa kanyang ina, kaya nitong magpanggap sa ibang tao, o magpaka-civil, kahit galit o masama ang loob. Pilit itong ngumiti at pinasaya ang boses. “Pakilagay nga sa Channel 2. Gusto kong mapanood si Vice Ganda.”
Nag-tune in si Smash sa nasabing channel. Medyo napokus naman sa TV ang atensyon ni Aling Zeny. Lumapit kay Princess si Smash.
“Malinaw talaga basta may mahiwagang black box. May extra channels pa kayong mapapanood. Mae-enjoy n’yo na nang todo ‘yan.”
Tumango siya. “Thank you, ha?”
Bumulong ito sa kanya. “Puwede ba tayong mamasyal?”
Nag-alanganin si Princess. Naalala niya ang paninita sa kanya ng ina kanina.
Bago pa siya nakasagot ay biglang sumungaw sa pintuan nila si Mik.
Bumati ito sa kanila, pero ang masayang mukha nito nang sumungaw ay napalitan ng pagtataka nang makita si Smash. Pinapasok niya ito.
Pinagkilala niya ang dalawa.
“Mik, si Smash. Smash, si Mik.”
Nagkamay ang dalawang binata at nagpalitan ng “hi”. Naramdaman ni Princess na nagkakailangan ang dalawang binata. Kunwari ay nakipanood si Mik sa TV.
Tahimik naman si Smash. Naalala niya kung sino si Mik. Ito ‘yung pogi na may motorsiklo na kumurot sa pisngi ni Princess.
May relasyon na kaya ang dalawa?
Hindi man niya alam ang sagot, nakaramdam ng lungkot si Smash. At kirot sa puso.
Saglit pa at nagpaalam na si Mik. Hindi naman ito pinigilan ni Princess. Nang wala na ito ay inulit ni Smash ang imbitasyon. “Pasyal tayo? Maaga pa naman...”
Mahina ang tinig ni Princess nang sumagot. “Baka hindi ako payagan ni Inay.”
“Bakit?”
Hindi sumagot ang dalaga. Tumingin sa ina na tutok ang mga mata sa TV.
‘Kung ipagpaalam kita sa kanya?” mungkahi ni Smash.
“Bahala ka...” kabadong sagot ng dalaga.
Lumapit si Smash kay Aling Zeny. Nagpa-excuse. Tumingin dito ang kanyang ina. “Puwede ko po bang maisama muna si Princess?”
“Saan?” flat na sagot ni Aling Zeny.
Nagbanggit si Smash ng isang mall na malapit lang.
Sa TV na uli nakatingin si Aling Zeny nang sumagot. “Sa susunod na lang. Pag Sabado at Linggo na lang kasi kami nakukumpletong tatlo kaya hangga’t maaari gusto ko pag ganitong araw ay dito na lang kami sa bahay.”
Natigilan si Smash. Nakaramdam siya ng konting hiya. Gayunpaman ay magalang niyang tinanggap ang narinig. “Ah, okey po. Sige po, next time na lang po.”
Gusto namang manliit ni Princess sa kanyang puwesto. Biglang-bigla ay nahiya siya kay Smash. Naawa rin siya sa nakitang expression nito na obvious na very disappointed.
Lumapit ito sa kanya. Kahit nakangiti ay alam niyang pinipilit lang nito iyon. “Next time na lang. Saka para ma-enjoy mo rin ang TV.”
Para gumaan ang sitwasyon, bahagya niya itong pinisil sa braso. Mukhang may epekto naman iyon sa binata. Sumigla ito kahit paano.
“Ikuha mo ng maiinom sa tindahan ang kaibigan mo,” si Aling Zeny.
Medyo nanlaki ang mga mata ni Smash. Kaibigan? Bakit parang nagdidikta ang nanay ni Princess kung ano lang dapat ang status nila? Para makaiwas muna siya sa tension na nararamdaman niya, nagpaalam na siya.
“Hindi na po. Hindi na rin ako magtatagal,” paalam niya. “Tutuloy na po ako.”
SUBAYBAYAN!