Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 42)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-42 labas)

MATAPOS ang maikling tsikahan ay nagpaalam na sa kanya si Mik dahil maghahanda pa raw ito ng mga dadalhin papuntang Batangas.

“Ingat doon, brod,” bilin niya rito. Binago na rin niya ang tawag dito. Ayaw niyang tawaging bakla at baka magduda pa rito si Deborah.

Nagpasalamat sa kanya si Mik, nag-bye naman si Deborah at pa-cute na kumaway sa kanya na para bang close na agad sila.

Napapangiti siya habang minamasdan ang pagkakakayakap ng babae sa beywang ng binata—na never niyang ginawa pag siya ang angkas nito. Hindi man sabihin ni Mik, alam niyang may something na sa dalawa. Akalain mo ‘yun, sabay pa silang nagkaroon ng love life.

At least ay lalo na siya ngayong hindi nagi-guilty para kay Mik.

Masaya ang kalooban na minasdan niya ang dalawa hanggang sa mawala sa paningin niya. Alam niya, baka hindi na rin siya mai-treat ni Mik ngayon sa meryenda. Biglang-bigla ay binago ng kani-kanilang relasyon ang kanilang mundo.

Pero at least, pareho na silang masaya ngayon.

**

TODO na ang pag-eensayo ni Smash. Madalas na siya sa gym at sa voice lessons. Ayon sa kanyang manager ay malaki ang tsansa niyang makapasok sa reality show kung saan siya mag-a-audition.. Ngayong gabi ay magkikita sila sa isang bar para mapag-usapan pa nila ang ilang detalye.

Gaya ng mahigpit na bilin ng kanyang manager ay wala siyang pinagsasabihan ng tungkol dito, at medyo mag-detach sa mundo para masanay siyang walang contact sa iba kapag pasok na siya sa show dahil ikukulong sila sa isang venue. Kaya kahit si Princess ay clueless. Malalaman lang nito, marahil ay sa TV news, pag bahagi na siya ng programa.

Kung makakapasok siya ay ilang buwan din silang hindi magkikita, at alam ni Smash na sobrang mami-miss niya ang girlfriend. Mahirap on his part pero may plano kasi siya sa perang makukuha niya from the said reality show manalo man siya o matalo—ang maipagpagawa ng shop si Princess lalo pa at nakita niyang may space pa naman sa maliit na lote ng mga ito. At kung medyo maganda ang makukuha niyang premyo, gusto rin niya itong mabilhan ng computer set at heat press machine para sa T-hirt printing.

Actually ay kaya niyang humingi sa parents niya para sa mga plano kay Princess, pero gusto niyang sariling pera ang ipantulong sa kanyang masipag na girlfriend.

Alas otso ng gabi ay nag-text ang manager niya. On the way na raw ito sa venue. Nag-reply siya na papunta na rin.

Sa isang sikat na bar na watering hole ng mga celebrities sila nagkita ng kanyang manager. Dahil puno ng mga gumigimik ang lugar at nagkataon pang ‘Thank God It’s Friday’ ay sa harap na lang halos ng bartender sila napapuwesto. As usual ay nagbigay ito ng pointers sa kanya. Nang sa wakas ay nasabi na nito ang lahat na bilin sa kanya, nag-toast sila nito.

“Medyo magpakalasing ka na ngayon. Baka sa loob ay limitado ang drinks,” biro sa kanya ng manager.

Umiinom siya pag may events o okasyon pero hindi malakas. At mas gusto niya ang cocktails dahil hindi gaya ng beer na mabilis siyang mabusog at pakiramdam niya kinabukasan ay bloated siya.

Dala ng excitement sa nalalapit na milestone sa kanyang modeling career—at dahil matagal na rin siyang hindi umiinom mula nang makilala niya si Princess—ay napasarap si Smash. Nakailang shot siya ng paborito niyang Long Island Iced Tea.

Masaya ang atmosphere sa bar na iyon. May DJ na nagpapakitang gilas ng mixing skills nito. Maraming celebrities—sikat at trying hard. May mga genuine na sosyal, mayroon ding nagpapanggap lang.

Hindi alam ni Smash, may mangyayari ngayong gabi na susubok sa pagmamahalan nila ni Princess.

 

SUBAYBAYAN!