Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 45)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-45 labas)

NAPAKARAMI nang nai-send ni Smash na text messages kay Princess pero hindi nagre-reply ang dalaga. Napilitan siyang tawagan ito. Naka-off ang cellphone nito.

Magpapaalam siya rito na mawawala muna pansamantala. Confirmed na kasi na pasok na siya sa sinalihang reality show.

Hindi siya happy sa kabila ng magandang development. May kutob siyang somehow ay alam na ni Princess ang kumalat na kissing video scandal nila ni Marsha. First time na for five hours ay hindi nag-reply sa kanya ang dalaga. Imposible namang hindi ito nag-charge ng phone nito.

Kahit gipit na siya sa oras sa dami ng aasikasuhin ay napilitan siyang tumakas sandali sa kanyang manager. Pinuntahan niya si Princess.

Wala ang pamilyar na eksena na nakapuwesto si Princess sa harap ng mesa habang nagtitinda at gumagawa ng accessories. Pagsungaw niya sa pintuan ng mga ito, si Aling Zeny ang nabungaran niya. Nag-good afternoon muna siya rito. Pinapasok siya ng matandang babae.

“Si Princess po?” tanong niya.

“Nasa kuwarto.”

Hindi niya malaman ang sasabihin. Sa mga tingin sa kanya ni Aling Zeny, nahulaan niyang may alam na si Princess. Lalong nakumpirma ang nasa isip niya nang makita ang isang tabloid sa mesa na may malaking picture at headline ang halikan nila ni Marsha.

Napayuko siya.

“Teka, titingnan ko,” ani Aling Zeny. “Medyo masama kasi ang pakiramdam. Sasabihin kong narito ka.”

“Salamat po...”

Nakiramdam siya nang pumasok si Aling Zeny sa kuwarto ni Princess. Narinig niya ang pag-iyak ng dalaga. Malakas. May sinasabi ito pero hindi niya maunawaan. Napakagat-labi si Smash.

Matagal siyang naghintay. Maya-maya ay lumabas si Aling Zeny, akay-akay si Princess.

Hindi napigilan ni Smash ang maawa sa ayos ng girlfriend. Mugtung-mugto ang mga mata nito sa kaiiyak. Para ring pumayat agad ito.

Nilapitan niya ito at hinawakan sa dalawang kamay. Walang salitang lumabas sa kanyang bibig. Pinisil niya ang mga kamay nito.

“S-sorry...” sa wakas ay nasabi niya.

Biglang umiyak nang malakas si Princess. “Niloko mo ako! Niloko mo ako!” sigaw nito sa kanya.

Niyakap niya ito para payapain. Tuloy ito sa pagsigaw.

Maagap si Aling Zeny. Agad nasarhan ang pinto at mga bintana. Lumapit ito sa kanila at niyugyog si Princess.

“Mag-usap kayo nang maayos,” anito sa anak. “Mag-usap kayo nang maayos.”

Kumawala si Princess sa pagkakayakap ni Smash. Nagpahid ng luha.

“Niloko mo ako...” mahina na ngayon ang pag-iyak nito. “Sabi mo gagawin mong malaking responsibilidad ang relasyon natin pero di naman pala totoo!”

Wala siyang naisagot.

“Ikaw ang first love ko,” gumaralgal ang boses ni Princess. “Ikaw ang first boyfriend ko. Kahit takot ako kay Inay, kahit takot ako na magmahal agad binalewala ko iyon dahil sa ‘yo. Dahil mahal kita. Pero ako... hindi mo ako minahal. Hindi mo nirespeto ang feelings ko.”

Napayuko si Smash.

Tuloy sa pagnguyngoy si Princess. “Mabuti pa siguro na tulad na lang ng ibang pamilyang mayayaman ang mga parents mo at kapatid at nilait-lait na lang ako para iniwasan na lang kita. Alam mo ba na wala akong iniisip kundi kung paano ako aasenso para naman maipagmalaki mo ako sa kanila? Na kailangan kong patunayan sa kanila na minahal kita hindi dahil sa yaman n’yo? Pero ikaw... nakakita lang ng artistang matrona—” hindi na naituloy ng dalaga ang sasabihin at humagulhol muli.

Wala pa ring maisagot si Smash. Wala siyang makapa na mga salita sa kanyang isipan.

 

SUBAYBAYAN!