Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

Prinsesa Raketera (Part 48)

Nobeka ni KC CORDERO

(Ika-48 labas)

NA-REALIZE ni Princess na sa kalagayan ng buhay nila ay hindi puwedeng lagi siyang senti sa nangyari sa kanila ni Smash. Ibinalik niya sa normal ang buhay at inasikaso muli ang kanyang mga raket. Nang araw na iyon ay kailangan niyang maihatid sa client ang mga tinatakan na T-shirt.

Nagkataon naman na pagdating niya sa shop ay tinatapos pa lang ng printer ang mga T-shirt dahil marami raw itong tanggap, pero puwede na niyang hintayin. Wala siyang magagawa. Nag-text siya sa kanyang client na baka ma-late siya. Okey lang naman dito basta maihatid today. Umuwi muna siya sa kanila at nagpalipas ng oras. Alas kuwatro na ng hapon nang i-text siya ng printer na ready for pick-up na ang mga T-shirt. Nagpaalam siyang muli sa ina at sinabing gagabihin na siya ng uwi.

Nasa outskirt na ng Metro Manila ang bahay ng client niya. Isang soltera na mabait. Nagandahan ito sa ipinagawa sa kanya. Doon na siya pinaghapunan at binigyan din siya ng pamasahe. Hindi naman agad siya nakapagpaalam dito dahil napasarap ang kanilang huntahan at nangako pa ito na magiging regular client niya.

Mag-aalas otso na ng gabi nang makaalis siya sa bahay nito. May dumaraan daw naman na FX taxi sa harapan lang kaya doon na siya naghintay. Saglit pa, sakay na siya sa isang punuang FX.

Dalawa lang ang lalaki na pasahero na ang isa ay nasa gitnang upuan, ang isa ay nasa likod. Puro babae sila halos. Nasa harapan naman siya katabi ng driver at isang lola. Pagdating sa isang madilim na lugar, nagulat sila.

Biglang nagdeklara ng holdap ang dalawang lalaki! At may baril ang mga ito!

“Walang sisigaw!” anang isa. “Puputukan ko kayo!”
Na-shock silang lahat. Walang nagawa nang kunin ng mga ito ang kanilang mga gamit. Ang bag ni Princess na kinalalagyan ng kanyang wallet at cellphone ay hinablot ng isa sa mga holdaper. Nanginig siya sa takot at impit na napaiyak.

Kada madilim na lugar ay may mga ibinababa ang mga ito. Una ang mga sakay sa likod, pagkatapos ay ang mga nasa gitna. Sila na lang ng lola ang natitira.

Maya-maya ay nagsalita ang lola. “Akina ‘yang mga nakuha ninyo.”

Ibinigay naman ng mga holdaper. Saka nag-sink in kay Princess na ang lola ang lider ng grupo!

Inisa-isa nito ang mga gadgets, pera at alahas na nakuha. Maya-maya ay nahawakan nito ang cellphone niya.

“May bibili pa kaya nito? Baka kahit sampung piso hindi na mabenta ito, ah! Ito ‘yung pag nadukot ay ibabalik ng nandukot pero pinalagyan pa ng load dahil sa awa at hiya sa nadukutan.”

Naghalakhakan ang mga ito. Pati ang driver—na natiyak ngayon ni Princess na kasabwat din.

Naglakas-loob siyang magsalita. “S-sa akin po ‘yan...”

Tumingin sa kanya ang lola. Iniabot sa kanya ang cellphone. “Ibaba mo na siya,” utos nito sa driver.

Halos tumalon mula sa FX si Princess nang mabuksan ang pinto. Madilim na madilim ang lugar at humahagibis ang mga sasakyan. Tumabi muna siya at kinalma ang sarili kahit umiiyak na siya.

Ngayon siya nagsisi na hindi niya nabilhan ng cellphone si Patrick. Sino ang kanyang tatawagan ay wala ring cellphone ang kanyang ina para masundo siya sa lugar na iyon? Malayo na rin siya sa bahay ng kanyang client na pinuntahan. Wala siyang kapera-pera, sinimot ng mga walanghiya. Si Mik, nasa probinsya.

Napahagulhol sa takot si Princess.

 

SUBAYBAYAN!