Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 5)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-5 labas)

MAHILIG si Princess sa arts and crafts. Kung hindi napatay ang kanyang ama at hindi niya kailangang huminto sa pag-aaral, fine arts sana ang kukunin niya sa isang state university kung saan siya nakapasa sa entrance exam.

Noong una ay gusto siyang pag-aralin ni Aling Zeny sa college, ito na lang daw ang hahataw sa trabaho. Pero nang makita niyang pagod na nga ito sa pagmamasahe at pag-uwi sa bahay ay nag-uuwi pa ng gabundok na labahin ng kanilang mga kapitbahay na tamad maglaba, nadurog naman ang puso niya. Napaiyak siya sa awa sa ina. Sinabi na lang niya rito na chill lang siya, okey lang na ma-delay ang pagkokolehiyo kaysa naman sumuka ng dugo ang ina sa bigat ng trabaho. Mas mahirap pag nagkasakit si Aling Zeny.

Kaya kahit masakit sa loob niya ay tinanggap na niyang malayo pa sa katotohanan na makapag-college siya. Pero tinanggap niya iyon nang maluwag sa kalooban at nag-focus nga agad siya sa pagkita ng pera. Pag may free time siya at gusto niyang magbaliw-baliwan, nagdo-doodle siya sa mga blankong pahina ng mga luma niyang notebooks para hindi niya makalimutan ang hilig sa arts.

Kinalingguhan ay lumakad sila ni Aling Zeny sa Divisoria para mamili ng kanyang mga gagamitin. Mabait naman ang may puwesto ng mga paninda sa paggawa ng accessories. May ibinigay pa itong parang manual sa kanya para raw mas matuto siya. Sadya raw freebie iyon para sa mga hobbyist na tulad niya. Basta doon na lang daw siya lagi bibili. Naka-discount pa siya sa dalawang klase ng maliliit na plais na kakailanganin din niya.

Pagkauwi sa kanila ay agad niyang sinimulang magpraktis.

Easier said than done. Iyon ang natuklasan ni Princess nang magsimula siyang magbuo ng mga accessories. Sa direksyon ay parang madali lang, pero sa execution ay mahirap. Hindi basta-basta naibubuhol ang tali na elastic dahil pag napahigpit, nasisiksik ang mga beads. Kung minsan, kahit naibuhol niya nang maayos, parang tabingi naman ang bracelet. At kahit ginaya na niya ang design sa manual at sa na-research niya sa Google, bakit parang ang pangit nang ginawa niya?

Nakaramdam siya ng frustration...

Makakagawa ba siya talaga o nangangarap lang siya sa plano niya? Parang mas mainam pa yatang mag-apply na lang siya sa Jollibee o McDonald’s o sa mga food court sa mall kahit tagalinis ng mesa, sahig at malalaking salamin. Kahit paano ay sigurado ang kanyang daily income.

Matagal siyang napatingin sa ginagawa. Sayang naman itong mga pinamili niya. Kung ganoon din lang pala na sumusuko na siyang rumaket at nag-iisip nang mamasukan, sana nagamit na lang niya sa pagkuha ng mga clearance at medical certificate ang ipinambili niya ng beads at plais.

Huminga siya nang malalim at nahiga sa sahig. Ipinikit niya ang mga mata. Sa isip niya ay naglaro ang mga disenyo ng bracelets na hindi gaya ng mga nasa manual at na-Google niya. Tinandaan niya ang mga ideyang iyon. Biglang bumalikwas at hinagilap ang notebook sa tabi niya. Nag-sketch siya ng nasa isip niyang design ng bracelet. Nang matapos i-sketch, ine-execute niya iyon. Nang matapos, kumislap ang kanyang mga mata sa tuwa.

“Mas maganda pa ito kaysa sa ginagawa ko kanina na kopya lang, eh!” naibulalas niya.

 

SUBAYBAYAN!