Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 6)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-6 na labas)

NATUWA si Princess nang makabuo na siya ng accessories na ang disenyo ay sariling idea lang niya. naisip niyang mas maganda pa iyon kaysa sa mga kinopya lang niya na style.

Masiglang gumawa pa siya ng ilang piraso niyon. Sa biglang pag-agos ng kanyang creative juices, para siyang walang kapaguran sa pagbubuo ng mga bracelets. Kapag napagod sa pagbubuo, mag-i-sketch naman siya sa kanyang notebook ng mga design. Ilang oras siya sa ganoong sitwasyon. Para siyang isang super heroine na natuklasan kung paano mas palalakasin ang power.

Nang makita ni Aling Zeny ang mga ginawa niya ay nagulat ito.

“Ang gaganda! Ikaw ba talaga ang gumawa niyan?” nanlalaki ang mga matang tanong nito.

“Ang Inay naman, nagduda pa. E, heto nga po ang mga pinagputulan ko ng tali. Masakit na nga ang likod ko sa ngawit, e.”

“Hayaan mo at imamasahe kita bago ka matulog. Naku, aalukin ko ang mga suki kong matrona. Baka magugustuhan nila itong mga gawa mo. Magkano mo ba ibebenta ang mga ito?”

Nag-isip si Princess. Magkano nga ba? Kung susundin niya ang presyo ng matandang lalaki sa may simbahan ay parang lugi yata siya lalo pa at napaka-basic ng disenyo ng mga tinda ng mama at mumurahin lang ang mga materyales. Ang ginawa niya ay first class ang mga beads.

Kinuha niya ang listahan ng mga pinamili at nagkuwenta. Maya-maya ay tumingin siya sa ina. “Kung thirty pesos kaya, Inay... hindi kaya masyadong mahal?”

“Puwede na. Pero ‘yung mga matrona pepresyuhan ko ng singkuwenta. Pag kumagat, akin ‘yung beinte pesos, ha?”

“Inay, ano ba ‘yan? Mas malaki pa ang kikitain mo kaysa sa akin niyan.”

At nagkatawanan silang mag-ina.

Naglagay siya ng maliit na table sa harap ng bahay nila. Sa isang cute na plastic ware naman niya inilagay ang mga natapos niyang buuing bracelets. Magkakahiwalay ang para sa mga bagets at sa mga matured nang gusto pa ring pumorma. Para mabalanse niya ang presyo, twenty pesos ang pambagets, thirty pesos naman ang para sa mga medyo forgets na.

Umaga pa lang nang pumuwesto siya. Nagkagulo naman ang mga bagets sa pagbutingting pero walang bumili. Laging may tumitingin at nagagandahan pero hanggang ganoon lang. Pakiramdam tuloy ni Princess ay nalalamutak lang ang kanyang mga paninda.

Sumapit ang lunchtime na wala siyang nabenta ni isang piraso. Gayunpaman ay upbeat pa rin siya. Unang araw pa lang naman. Pagkakain, nang makapaghugas ng pinagkainan ay ibinalik niya sa mesa sa labas ang mga paninda. Ganoon uli ang sitwasyon. May mga tumitingin pero walang bumibili. Hanggang sa dumilim na. Gusto niyang madurog ang puso sa hiya sa sarili nang inililigpit na ang mga paninda.

Zero sa first day, naisip niya. Ano pa kaya sa mga susunod na araw?

Dalawang bagay ang naisip niya. Hindi kaya ng buying power ng mga bagets na interesado sa accessories niya ang presyo. Ikalawa, mas mabenta talaga pag pagkain ang ititinda gaya ng una niyang venture. Nasabotahe nga lang siya.

Pagkapasok sa loob ng bahay ay napatingin siya sa mga accessories. Aanhin niya ngayon ang mga ito? Ibebenta ba niya sa mama sa may simbahan sa halagang anim na piso kahit lugi siya? Nagkamali yata siya. Dapat yata ay ordinaryong accessories na tigsasampung piso lang ang ginawa niya.

Napaiyak sa awa sa kanyang sarili si Princess. Maya-maya ay nagpahid siya ng luha. Naalala niya ang isang quote ng writer sa sinulat nitong modern Pinoy sayings: “Okey lang ang umiyak pag down ka... pero pagkapahid mo ng iyong luha, laban uli, ha?”

Kinalma niya ang sarili. First day pa lang naman, naisip niya. Baka bukas ay may mabenta na siya.

Malungkot na pumasok siya sa silid at natulog.

Nagising siya sa malalakas na katok ng kanyang ina. Noon lang siya nito kinatok na masyadong malalakas at para bang may emergency kaya napabigla siya ng bangon.

 

SUBAYBAYAN!