Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 8)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-8 labas)

WELL, naisip ni Princess makalipas ang ilang araw na hindi mga bagets na tigsasampung piso ang buying power ang kanyang market. Mas bumibili ang mga dalaga sa kanya, at mangilan-ngilang high school students na may budget. Dahil maghapon halos siyang nakatambay sa harap ng kanyang tindahan, kung minsan ay doon na rin siya nagbubuo ng bracelets. May pailan-ilan ding siyang ginagawang earrings, pero ang aksesorya sa kamay at cellphone ang mas mabenta.

“Kumusta na ang negosyante?”

Napatingala si Princess na noon ay nagtutuhog ng beads. Napangiti siya nang makita si Mik.

“Uy, bakla!” tumayo siya at kinurot ito. “Kailan ka pa dumating?”

Napalingun-lingon si Mik sa paligid. “Huwag mo nga akong tinatawag na bakla. Baka may makarinig at maniwala. Ngayon lang, halos kadarating ko lang.”

Kapitbahay nila si Mik. Schoolmate niya ito pero ahead ng dalawang taon sa kanya noong high school. Crush niya ito noon—at hanggang ngayon din naman. Obvious na type din siya nito—pero never pa itong nag-express ng feelings sa kanya.

Graduate ng two-year computer technician coure si Mik. Employed ito sa isang servicing company na nag-aayos ng computer sytems ng mga kliyente ng kanilang opisina sa mga probinsya.

Guwapo si Mik para sa pamantayan ni Princess. Okey ang height. Medyo payat nga lang. Mahilig magsuot ng Marvel at DC characters na T-shirts. Noon ay madalas magpahaging ito sa kanya sa text messages pero hindi direktang sinabing may gusto sa kanya. Ewan niya, dahil siguro sa style nito, medyo nag-liw low rin ang puso niya sa pagkagusto rito. Pero may space ito, kahit maliit, sa heart niya.

“May panlalaki ba?” tanong nito sa kanya.

“Igagawa kita. Sandali lang naman ‘yun, eh.”

“Magkano?” tanong nito.

“Thirty pesos. Pero dahil ngayon lang kita nakita, libre na lang.”

Tumawa ang binata. “Baka malugi ka.”

“Okey lang. Carry pa ng powers ko.”

“Sige. Pero ililibre kita mamaya, ha? Pizza tayo sa may plaza.”

“Talaga?” na-excite si Princess. “Mukhang malaki ang kinita mo, ah.”

“Medyo nakabawi sa overtime. Saka dahil out of town, medyo iba ang daily rate.”

Pinutol niya ang pisi na nagdugtong sa mga beads. Iniabot niya kay Mik ang nabuong bracelet. “Tingnan mo nga kung okey na...”

Isinukat iyon ng binata. Masayang tiningnan. “Cool. Dagdag pogi points. Ang husay mo talaga. O, paano... magkita tayo mamaya, ha?”

“Sure...”

Nagpaalam na ang binata. Sinundan niya ito ng tingin habang papalayo. Bahagya siyang napangiti.

Si Mik na kaya ang “the one” para sa kanya?

Puwede, anang isip niya. Pero agad din niyang binawi sa isip ang usaping pampuso nang maalalang kailangan nga pala niyang mag-ipon para sa pagkokolehiyo ni Patrick.

“Hay...” bumuntunghininga siya, “puso... puso... puso... huwag muna ngayon, puso!”

Agad siyang pinayagan ng kanyang ina nang magpaalam siyang niyayaya siya ni Mik sa may plaza. Noon pa niya nararamdaman na gusto ni Aling Zeny para sa kanya ang binata.

“Regular na raw si Mik sa pinapasukan, nabalitaan ko. Maganda na raw ang suweldo,” ang kanyang ina na nanonood sa kanyang pagbibihis.

Hindi siya nag-react.

“At saka walang bisyo,” dugtong pa nito.

Tumawa siya. “Kaya mainam na maging boylet, ganoon ba, Inay?” pagtumbok niya sa gusto nitong sabihin. “Inay, ayoko pang mag-boyfriend sa ngayon.”

Nameywang ang kanyang ina. “E, sino ba ang maysabi sa iyo na magboylet ka?” pinandilatan siya nito ng mga mata. “Sinasabi ko lang na maayos na tao ‘yang si Mik kaya kita pinapayagang ilibre niya sa pagkain. ‘Yun ngang ibang adik diyan sa labasan na may gusto sa ‘yo gaya ni Estong Squidball at ni Tirsong Kwek-kwek, pag binibiro ako at tinatawag na ‘Mommy’ sinasampal ko. Kinikilabutan ako sa pagmumukha ng dalawang iyon!”

Nagkatawanan silang mag-ina.

 

SUBAYBAYAN!