Skip to main content

Prinsesa Raketera (Part 9)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-9 na labas)

NAGKATAWANAN sina Princess at Aling Zeny nang lait-laitin ng matanda ang mga crush sa dalaga sa may labasan. Biniro niya ito. “Naku, Inay... baka ikaw ang type ng mga iyon. Aminin, may asim ka pa rin. Mas may asim ka nga kaysa kay Mommy Dionisia!”

Iniwan na siya ng ina. Ayaw nitong nabibiro na baka magkaroon pa ito ng love life. Baka raw bumangon sa hukay ang kanyang namayapang ama.

Minsan pang minasdan ni Princess ang sarili sa salamin. Kahit ordinaryo lang ang kanyang suot ay na-impress naman siya sa nakita sa repleksyon.

May hitsura talaga kasi siya. Madalas siyang kinukuhang muse noon sa school, pero mas gusto niyang sumali sa mga art contest. Feeling kasi niya ay hindi pangrampa ang kanyang kagandahan. May mga nag-aalok din sa kanya na sumali sa mga reality show sa TV gaya ng “Condo ni Tita” pero ayaw niya. Ayaw niyang ma-exposed. Ganoon siguro ang mga taong may pagka-artist.

“Tapos ka nang magbihis, Ate?” si Patrick mula sa labas ng kanyang kuwarto.

“Oo... bakit?”

“Andiyan na si Mik.”

Lumabas na siya ng silid. Paglabas naman niya ng kanilang bahay, nagulat siya sa nakita.

Nakasakay si Mik sa bagung-bagong scooter.

“Halika na...” iniabot nito sa kanya ang isang extra helmet. “Isuot mo para hindi tayo hulihin ng mga MMDA.”

Isinuot niya ang helmet at naupo sa may likuran ni Mik.

“Ang big time mo na,” aniya rito. “May scooter na.”

“Hulugan,” anito. “Salary loan sa aming opisina. Medyo mababa naman ang monthly instalment kaya kinana ko na. Para iwas-trapik na rin pag narito ako sa Manila.”

Maingat magmotorsiklo si Mik. At na-enjoy ni Princess ang una niyang karanasan na umangkas sa motor. Yayayain sana niyang sumimba muna ang binata pero baka hindi iyon ang trip nito. Diretso na sila sa may plaza kung saan sunud-sunod ang mga kainan. Nag-park ito tapat ng isang sikat na pizza house. Na-excite na rin siya dahil bihira siyang makakain ng ganoon kasarap.

Gentleman na ipinagbukas siya ni Mik ng pinto at sinalubong sila ng crew na naghatid sa kanila sa bakanteng mesa.

Ipinaubaya na niya kay Mik ang pag-order, basta huwag lang aniyang kalilimutan ang paborito niya—spaghetti with meatballs.

Saglit pa, magana na silang kumakain.

Naikuwento niya kay Mik kung paano niya naisipan na maggawa ng beads. Nag-thumbs up ito.

“May sasabihin ako sa ‘yo,” tumingin sa kanya si Mik.

Napatingin din siya rito. Bigla siyang kinabahan. Ngayon ba magtatapat sa kanya si Mik? Biglang tinambol ang kanyang puso. Nasuklay niya ng isang kamay ang buhok sa may tainga niya. Hindi yata siya ready na ngayon nito sasabihin ang feelings sa kanya.

“A-ano iyon?” medyo nauutal na tanong niya.

“Actually ay suggestion lang naman,” humigop ng softdrinks ang binata. “Mabenta rin ang Manga characters ngayon. Tutal magaling kang magdrowing, magtinda ka rin ng Manga illustrations, Nakikita ko sa bangketa na nabibili ang gano’n.”

“Ah, okey...” aniya at napainom din ng softdrinks. Ang assuming mo, bulong niya sa sarili.

Ang Manga ay style ng drawing sa mga Japanese characters na patok din sa mga bagets ngayon dahil sa mga anime o cartoons na napapanood sa TV. Noong nag-aaral pa siya, may mga kaklase rin siyang nagpapadrowing sa kanya ng Manga characters.

“Binigyan mo ako ng idea!” nag-high five siya kay Mik. “Thank you.” At nawala na ang kabog sa kanyang dibdib.

“May isa pa akong suggestion,” anito.

“Ano ‘yon?”

 

SUBAYBAYAN!