Skip to main content

Selosang misis nabaril ng mister

WALA nang buhay bago pa nakarating sa ospital ang isang 27 anyos na misis matapos na tamaan ng bala ng improvised caliber .22 sa leeg habang nakiki­pagtalo sa kanyang mister sa Brgy. Angeles, Atimonan, Quezon.

Sa ulat ng pulisya sa lugar, kinilala ang biktima na si Mary Grace Meraque. Nasa kustodiya naman ng himpilan ng pulisya ang suspek na si Vicente Balderosa, 28. 

Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang mag-asawa na nag-ugat sa umano’y hinala ng misis na may kinalolokohang bagong babae ang kanyang mister.

Sa salaysay ng suspek, sinabi nitong habang nasa kainitan ang kanilang pagtatalo ay dagling umalis ang biktima at pagbalik ay may hawak na itong air rifle na ginawang calibre .22 at nagbantang magbabaril sa sarili.  Sa puntong iyon ay pilit umanong inagaw ng mister ang baril subalit aksidenteng pumutok na ang bala at tumama sa leeg ng biktima.

Hindi naman kumbinsido ang pulisya sa kuwento ng lalaki kaya ipiniit pa rin ito habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

EDITOR’S TAKE:

Dumarami ang mga ganitong kaso ng mag-asawang nagtatalo dahil sa selos at nauuwi sa karahasan at kamatayan. Mukhang kailangan talagang maipatupad  na ang Responsible Parenthood Act para magkaroon ng tamang orientation ang mga nais maging couple sa kanilang obligasyon as husband and wife, at bilang mga magulang sa kanilang mga anak.