Skip to main content

Tumikim ng 18 anyos ang kanyang mister

November 27, 2015

TWENTY-TWO years nang kasal sina Agnes at Tony. Lagi silang may problema sa kanilang sex life. Mas nasasaktan daw kasi si Agnes kaysa nasisiyahan.

Two years ago ay marami nang reklamo sa kanya si Tony—na feeling tuloy ni Agnes ay ang pangit-pangit na niya. Sinasabihan daw siya nito na mag-gym naman, magsuot ng ibang style ng damit at kung anu-ano pa.

Mainitin din ang ulo ng mister niya at masakit magsalita—na kung minsan naman ay nagso-sorry sa kanya.

Naging babaero na rin ito at umamin na may naging syota sa kanilang opisina na 18 anyos na intern at nakipag-sex na rito.

Sobra raw nasaktan si Agnes. Nangako naman daw si Tony na hindi na mauulit ang nangyari lalo pa at tapos na ang OJT ng intern. Pinatawad niya ito, pero lalong nawalan ng kumpiyansa sa sarili si Agnes.

Makalipas ang isang taon ay nag-resign sa trabaho si Tony. Nagtapat ito na na-hire pala ng company ang intern at nagpatuloy ang relasyon ng dalawa—at gusto na raw nitong iwasan ang babae dahil nagiging demanding na.

Broke na broke sila nang mga panahong iyon na nawalan ng trabaho si Tony. Hindi niya ito iniwan alang-alang sa dalawa nilang anak.

Nang medyo nakakalimot na si Agnes sa nangyari ay natuklasan niya na laging may ka-text si Tony. Nalaman din niya na iyon pa rin ang dating karelasyon nito.

Sabi naman nito nang komprontahin niya ay nangumusta lang ang babae, pero hindi na raw ito nagre-reply.

Pero natuklasan din ni Agnes na nagkita palang minsan ang dalawa at kumain sa labas. Nang komprontahin niya si Tony, anito ay nagpaalam lang ang dalawa sa isa’t isa para tuluyan nang tapusin ang naging relasyon.

Hindi na malaman ni Agnes kung maniniwala pa kay Tony. Sabi raw nito ay mahal na mahal siya at sana ay huwag silang maghiwalay. Wala na rin silang sex life maliban sa paminsan-minsang pagpapa-masturbate nito sa kanya. Lalo na rin siyang nawalan ng kumpiyansa sa sarili. Alam niyang kailangan niyang tapusin na ang pagsasama nila pero takot naman siyang iwan ang mister.

Feeling daw niya ay sira na ang buhay niya at humihinga na lang siya para sa mga anak.

EDITOR’S TAKE:

Ang pinakamagandang gawin ni Agnes para magbalik ang kumpiyansa niya sa sarili ay ‘yung siya mismo ang kumontrol sa sitwasyon. Hindi niya iniiwan si Tony dahil sa kanilang mga anak, pero inaabuso naman nito ang pagkamartir niya.

Kadalasan sa mga babae, feeling nila ay failure sila kapag nakipaghiwalay sa mister. Nagi-guilty rin sila kung ano ang magiging epekto niyon sa kanilang mga anak.

Pero ano ba ang naibibigay ni Tony sa kanya? Wala. Kahit sa aspeto ng sex, gusto nito ay ito lang ang nasisiyahan. Pinatunayan din nito na isa itong manloloko at baka hindi na ito magbago sa pagiging babaero. Walang magandang maibubunga sa kanilang mga anak kung nakikitang ganitong uri ng lalaki ang kanilang ama.

Simulan na dapat ni Agnes ang proseso ng pakikipaghiwalay kay Tony. Dito siya makakakuha ng panibagong lakas.

Nakakakaba ito sa umpisa, pero magiging ayos din sa bandang huli.

Hindi siya mahal ni Tony. Ang mga ginagawa nito kay Agnes ay hindi pagmamahal. Wala itong respeto sa misis.

Kaya nawalan ng kumpiyansa sa sarili si Agnes ay dahil na rin sa mga pinaggagawa sa kanya ni Tony. Bakit kailangang sisihin siya nito kung tumaba siya at nalosyang? Para magkaroon ito ng rason na mambabae, ganoon ba?

Hindi kasalanan ni Agnes ang nangyari sa kanilang marriage. At kung makikipaghiwalay siya kay Tony, mas magandang buhay ang naghihintay sa kanya at sa kanyang mga anak.