Afraid To Love (Part 1)
Nobela ni MAUI PELAYO
(Unang labas)
MADALING-ARAW nang maalimpungatan si Crisben. Sa dilim ng paligid ay hindi niya agad naalala kung nasaan siya. Matindi ang pagsakit ng kanyang ulo, napahawak siya sa kanyang noo at minasahe iyon saglit.
Umayos siya sa pagkakaupo sa kama at biglang natigilan nang kagyat niyang mabunggo ang katawan nang nagisnan niyang katabi.
Lalo na siyang naguluhan habang unti-unting bumabalik sa kanyang isipan ang nangyari kanina.
Weekend. Pagkagaling niya sa opisina ay diretso na siya sa bar kung saan kakatagpuin niya sana ang mga high school friends niya. Tinawagan kasi siya ng mga ito para magkita-kita naman sila. Pero naroon na siya nang makatanggap siya ng text message mula sa isa sa mga ito na hindi tuloy ang plano dahil hindi raw makakapunta ang mga ito.
Crisben decided to have fun on his own. Hindi sumama ang loob niya sa mga kaibigan coz unlike him, ang mga ito ay may mga pamilya na. Hindi kagaya niyang happily single pa rin sa edad na twenty-eight.
Madalas siyang natutukso lalo pa’t iilan na lang silang natitirang single sa batch nila. Ilang beses na nga siyang nagiging ninong ng mga anak ng mga kaibigan niya o kung hindi man ay best man o sponsor sa kasal.
Maging siya naman ay hindi inakalang aabot siya sa ganitong edad na wala pang pamilya. Sa barkada kasi niya ay siya pa nga ang pinakaseryoso pagdating sa pakikipagrelasyon. Kaya rin siguro natatakot ang ilan sa mga naging nobya niya na tila umiiwas naman na matali na.
Marahan siyang kumilos para hindi magising ang mahimbing na anyo sa kanyang tabi. Inabot niya ang switch ng bedside lamp at saka ‘yon binuksan. Tama lamang ang liwanag na nagmumula rito, hindi gaanong nakakasilaw pero sapat na para kanyang maaninag ang kagandahan ng dalaga na hanggang ngayon ay nananatiling nakapikit ang mga mata.
Natatandaan niya ang ngalan ng dalaga, si Gemma. Mag-isa rin ito sa bar kanina at dahil sa kagandahan ay agad niya itong napansin. Sexy kung manamit pero wala sa hitsura nito ang pagiging loose. Pakiwari pa nga niya ay may kung ano itong itinatago sa pagsusuot ng kakarampot, tila may ayaw itong makita ang iba sa pagkatao nito.
Bukod sa mahubog na katawan, napakaamo ng mukha ng dalaga. Mestiza at expressive ang mga mata. Unang kita pa lang niya rito ay gusto na niya ritong makipagkilala, pero dahil sa pagiging natural na torpe, hindi niya ito agad na nalapitan.
Sa tingin niya ay may iniinda itong problema, pero sino ba naman siya para magtanong at mang-urirat pa. Banaag ang labis nitong pag-aalala, kalungkutan at pagkabagabag sa maamo nitong mga mata.
Handa na sana siyang makuntento sa pagmamasid lamang dito pero ang dalaga pa mismo ang siyang lumapit sa kanya. Sa totoo lang ay nagulat siya, hindi niya inakala na magiging madali sa kanya na ito ay makilala.
Nagsimula sa isang sayaw, heto sila at humantong sa suite na malapit lamang sa bar nilang pinanggalingan. Gemma initiated everything, she vulgarly flirted with him until he lost the control he always had with other women.
Kakaiba si Gemma, at mapusok ang dalaga lalo na sa kama. Hindi niya alam kung natural itong ganoon o dahil lamang sa epekto rito ng alcohol. Kapwa na sila may tama ng alak kanina nang magsimulang mangyari ang lahat.
Pero ang bawat detalye ng kanilang pagsasalo ay tila nakintal na sa isip ni Crisben. He has always been teased for being a romantic fool but what the heck, he’s really someone who’s always ready to fall in love.
Nakaapat na relasyon na siya in the past at lahat nang iyon ay seryoso. ‘Yon nga lang, nagtagal man ng taon ay hindi pa rin siya pinalad na maging panghabambuhay ang mga nagdaan niyang relasyon.
Muli niyang minasdan ang kagandahan na nasa kanyang tabi.
SUBAYBAYAN!